Puwede umanong kasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pamilya Marcos kaugnay ng hindi pagbabayad ng estate tax na₱203 bilyon.

Ito ang iginiit ni datingPresidential Commission on Good Government (PCGG) Commissioner Ruben Carranza sa isang panayam sa telebisyon nitong Lunes, Marso 28.

“Ang dapat mangyari diyan, ang mga Marcos mismo walang ginawa, ayaw magbayad, puwedeng kasuhan ng kriminal na 'yan ng BIR,” pagbibigay-diin ni Carranza.

Pinasinungalingan din nito ang pahayag ng kampo nipresidential candidate Ferdinand "Bongbong" Marcos, partikular na ng tagapagsalita nito na si Atty. Vic Rodriguez, na nakabinbin pa sa korte ang usapin na umano'y napulitika lamang.

Paliwanag ni Carranza, "final at executory" na ang desisyon ng Korte Suprema noong 1997 at 2003 kaugnay ng hindi pagbabayad ng buwis ng pamilya Marcos.

Noong 2003 aniya, naglabas ng ruling ang Supreme Court (SC) na nagsasabing kapag lumagpas na ang ari-arian ng pamilya Marcos sa kabuuan ng kanilang legal income na $304,000 ay ikinokonsidera na itong "ill-gotten wealth." 

Binanggit din ni Carranza na nakabawi na sila sa PCGG ng$680 milyon mula sa pamilya Marcos sa nasabing taon.

Noong 1997 din aniya, natuklasan din ng SC na aabot sa P23 bilyonang estate tax ng pamilya Marcos.

“Supreme Court decisions are part of the law of the land, which the executive has to enforce and respect. Ayaw respetuhin ni Marcos Jr. ang batas, ayaw respetuhin ni Marcos Jr. ang Supreme Court decision, anong klaseng kandidato yan?” pagtatanong ni Carranza.

Dapat aniyang kasuhan ng BIR si Marcos, Jr. dahil hindi na nito babayaran ang nabanggit na buwis kapag nanalo sa pagka-pangulo ng bansa.

“May urgency ang pag-file ng criminal case dahil kapag naging presidente si Marcos Jr., mas mayroon siyang kapangyarihan na mas patagalin pa 'yung kaso, at gamitin 'yung poder ng pagiging presidente para huwag nang bayaran 'yung utang niya sa Pilipinas,” sabi pa ni Carranza.