Humiling ng kopya ng "certificate of finality" sa Korte Suprema ang kampo ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso tungkol sa desisyon sa 203 billion tax debt ng mga Marcos.
Ito'y matapos manindigan ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni dating senador na si Bongbong Marcos, na ang kaso tungkol sa buwis ay "nakabinbin pa rin sa korte at ang pagmamay-ari ng ari-arian sa paglilitis ay hindi pa naaayos."
Humiling ng certificate of finality si Aksyon Demokratiko chairman Ernesto Ramel Jr. sa pamamagitan ng isang liham kay Atty. Basilia T. Ringol, Deputy Clerk of Court and Chief of Office of the SC.
“The purpose of the requested Certificate of Finality is to establish that the above-cited case is in fact final and executory and/or entered in the book of entries of judgments,” ani Ramel sa kanyang liham noong Marso 21 na natanggap ng opisina ni Atty. Ringol noong Marso 22.
Binanggit din ni Ramel ang plano ni Domagoso na kunin ang P203 bilyong estate tax liabilities ng mga Marcos at gamitin ang mga nalikom mula sa mga utang na ito bilang karagdagang "ayuda" para sa mga pamilyang Pilipino na apektado ng Covid-19.
Nauna na ring binanatan ng chairman ng partido si Rodriguez sa pahayag nito na ang isyu sa buwis ng pamilya Marcos ay ginagamit lamang umano para sa mga layunin pampulitika.
“Umulit na naman sa kanyang sinabing kasinungalingan itong si Atty. Vic Rodriguez. Matagal na pong tapos ang kaso ng estate tax. May Final ruling na ang Korte Suprema noong 1997. Ipinahiya na kayo ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa kanilang sagot sa aming liham at muli na naman kayong sinisingil ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong December 2, 2021 sa kanilang ding pagtugon sa aming katanungan. Mismong Department of Finance (DOF) nitong nakaraang linggo lamang ay pinagsabihan din ang BIR na singilin na ang sinungaling mo ding amo," ani Ramel noong Sabado.“Pulitika? Tigilan mo na ang pagpapa-ikot at panlilinlang, Atty. Vic Rodriguez. Lahat ng katotohanan ay nasa harapan na ninyo ni Marcos Jr. Ang inyong alegasyon na ito ay pulitika lamang ay punong-puno ng pagiging arogante at kayabangan," dagdag pa nito.