GENERAL SANTOS, South Cotabato—Nangako ng suporta ang isang grupo ng mga doktor na tinawag na “UniTeaMD” sa UniTeam tandem nina presidential bet Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr at ang kanyang running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Ang grupo ay binubuo ng halos 400 mga doktor na nakabase sa lungsod na ito at mga kalapit na lugar.

“We are 380 doctors strong in my group who fully support BBM and Sara, pero 20 lang kaming nandito, naniniwala kami na matutulungan nilang dalawa ang medical society, handa kaming makipagtulungan sa kanila,” sabi ni Dr. Jun Demontaño, ang pangulo at tagapagsalita ng grupo.

“Alam namin na matutulungan kami ni BBM at Sara, lalo na sa pagsasaayos ng PhilHealth, hindi lang sa hospital pati sa mga doktor din, sa kanilang kakayahan at experience mapapalakas nila ang Universal Health Care,” paliwanag niya.

Nangako pa ang UniTeaMD na makikipagtulungan sa tandem sakaling sila ay mahalal sa 2022 polls.

“Kailangan din pakinggan ang mga doktor, we can give suggestion kung paano po ma-improve ang implemetation sa Universal Health Care and other programs, we are willing to help,” ani Demontaño.

Si Marcos, na nangangampanya sa General Santos City at South Cotabato province mula noong Linggo, Marso 27, ay nagpasalamat sa grupo ng doktor sa kanilang suporta, at idinagdag na ang UniTeam ay susuportahan din ang mga doktor at medical frontliners.

“Your expression of support and trust is not only for our candidates but also for the idea and concepts and the cost of unity that we all believe in because it is something that is necessary so that our country will move forward,” ani Marcos.

“Ang ating mga doktor ay suportadong-suportado ng UniTeam, alam namin anong hirap, anong pagod at takot ang kinakaharap ninyo, asahan po ninyo na kung sakaling kami ay palarin, makikipagtulungan po kami, lagi po kayong nasa puso at isipan namin dahil sa sakripisyo ninyo sa bansa,” pagwawakas ni Marcos.

Seth Cabanban