Tiniyak ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nitong Linggo na kasado na ang ipaiiral nilang mga health protocols upang matiyak na maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19, sa pagsisimula na ng implementasyon ng libreng sakay sa kanilang mga tren simula sa Lunes, Marso 28.
Ayon kay MRT-3 General Manager Engr. Michael Capati, inaasahan na nilang dadagsa ang kanilang mga pasahero dahil sa kanilang free ride program, na magtatagal hanggang sa Abril 30, 2022.
Sinabi ni Capati na magpapakalat sila ng mga train marshals sa kanilang mga platforms upang siyang magbantay sa mga pasahero.
Patuloy pa rin aniya silang magpapatupad ng mga pamamaraan upang matiyak na hindi magkakaroon ng hawahan ng virus, gaya ng regular na pag-disinfect sa mga tren.
“Mayroon pa rin tayong temperature check, social distancing sa pilahan at platform. Pagpasok nila sa loob ng tren, bawal pa rin 'yong nakikipag-usap, kumakain, umiinom. At the same time, 'yong wearing of face mask, laging dapat sinusunod natin,” ani Capati, sa panayam sa teleradyo nitong Linggo.
“Nire-request lang namin na ang mga pasahero natin mag-abide pa rin tayo sa ating protocol kasi para sa kanila rin naman 'yon,” aniya pa.
Samantala, tiniyak rin ni Capati na magde-deploy sila ng mas marami pang tren sa panahon nang pag-iral ng free ride program.
Aniya, naglunsad na sila ng dalawang four-car trains na kayang magsakay ng mahigit 1,500 pasahero bawat isa.
Bilang karagdagan aniya ito sa 18 three-car trains nila na bumibiyahe ngayon.
Sa pagtaya ng MRT-3, posibleng umabot sa mahigit 400,000 ang kanilang daily passenger capacity dahil sa kanilang libreng sakay.
Matatandaang mismong si Pang. Rodrigo Duterte ang nag-anunsiyo na magkakaloob ang MRT-3 ng libreng sakay sa kanilang mga train commuters sa loob ng isang buwan, kasunod ng completion na ng rehabilitation project ng naturang rail line.
Ani Capati, ang pamahalaan ang magpopondo sa operasyon ng libreng sakay ng MRT-3, na tinatayang aabot ng P2.7 milyon kada araw.
Nabatid na ang free rides ay available sa unang biyahe pa lamang ng mga tren mula sa North Avenue, Quezon City, ganap na alas-4:40 ng madaling araw hanggang sa huling biyahe nito mula sa Taft Avenue, Pasay City, ganap na alas-10:10 ng gabi.
Wala namang biyahe ang mga tren ng MRT-3 mula Abril 12 hanggang 17, dahil sa kanilang Holy Week maintenance shutdown.