Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ang screengrab ng umano'y mga utang ng komedyanteng si Juliana Parizcova Segovia na aabot sa ₱300K, na matagal na umano niyang pinoproblema noon pang 2021.

Mababasa sa screengrab ang naging computation ni Juliana sa kaniyang mga utang, na hindi niya umano alam kung paano mababayaran.

Noong Marso 24, 2022 ay naglabas ng opisyal na pahayag si Juliana tungkol dito.

"Magandang Gabi po sa inyong lahat, bagama't ang inyong lingkod po ay hindi na naaapektuhan ng kaliwa’t kanang pang-aalipusta mula nang ako ay nagpahayag ng pagsuporta sa #UniTeam at lumabas sa mga Viral Videos ng #Vincentiments, ako po ay nagpasyang huwag palampasin ang isyung ito dahil sa mga teknikalidad na bumabalot at nakakabit sa post na walang ibang layon kundi ang ako ay ipahiya," panimula ni Juliana.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

"Hindi ko po ikinahihiya na simula noong pandemic, ang akin pong pamilya ay nabaon sa utang dahil sa kawalan ng pinagkukuhanan ng panggastos bunga ng kawalan ng trabaho; kasabay po nito ay hindi ko rin masingil ang mga taong nagkakautang din sa akin dahil pare-parehas po tayo ng pinagdadaanan."

"Ikinahihiya ko po ba ang yugto ng buhay kong ito? Hindi po. Alam kong halos lahat, kundi man lahat ay tunay na pinadapa ng pandemya."

Pinili na raw magsalita ni Juliana dahil pati ang kaniyang nananahimik na ina ay nadadamay na rin. May mga nagpapadala umano rito ng masasakit na pahayag dahil nakita sa screengrab ang numero ng cellphone nito.

"Ikinararangal ko pong hindi ang pagsama ko sa UniTeam ang dahilan kaya ako nakapagbayad sa iilan, hindi ko rin ide-deny at alam ito ng Viva, na ang sweldo ko po sa mga pelikula ay derechong nakabawas sa lahat ng mga ito. Gayunpaman, kalabisan na siguro na hindi man lamang binura ang pangalan ng aking ina at kanyang personal na numero ng telepono; at ngayon ay hindi pinatatahimik ng mga kaugali ng nag-post laban sa akin; hindi lamang traydor kundi walang modong piniling ipaalipusta ang malungkot na bahagi ng buhay ng isang tao at lapastanganin ang kanyang ina; para lamang makaganti, dahil hindi kayang tapatan ng content ang content ng kaibigang minsang naging mabuting tao sa kanila at nagkataon lamang na magkaiba ang pulitikal na desisyon."

"Ako po ay Nagtatrabaho, Ako po ay Pilipino, may Kalayaan at Karapatan at hindi kayang sirain ng mga hakbang ng mga taong matagal nang sinira ang kanilang sarili, sa ngalan ng inggit, galit at kawalan ng batong maipukol sa gusto nilang masaktan.

"Magandang Gabi po muling, lalo na sa mga makakaharap ko sa darating na mga araw. Salamat. FYI: 2021 ang convo na 'yan."

Screengrab mula sa FB/Juliana Parizcova Segovia

Screengrab mula sa FB/Juliana Parizcova Segovia

Samantala, dahil sa isang donation drive ay nakalikom ng higit ₱300K si Juliana sa pinagsama-samang tulong ng mga UniTeam supporters, na nagpadala ng kanilang tulong para sa kaniya, sa pamamagitan ng GCash at bank account.

Nagpasalamat naman si Juliana sa lahat ng mga nagpaabot ng tulong sa kaniya.

"Umaapaw ang puso ko ng pasasalamat at pagmamahal mula sa mga supporters ng #UniTeam after that viral post (300k debt issue) ang dami nahingi ng GCash number ko para mag-ambagan," aniya noong Marso 25.