“Mga magsasaka lang kami. Bakit kami nire-redtag, hinaharas, at pinapasuko? Mga magsasaka kami na nagdedepensa sa mga lupang sakahan at tirahan namin.”

Ito ang mga salita ng mga biktima ng red-tagging at militarisasyon habang umaapela at humingi ng tulong nitong Linggo, Marso 27.

Sa ikatlong araw ng isang linggong regional “Caravan of Landless in Bicol,” umapela ang mga kaanak at biktima ng red-tagging sa kapwa Bicolnon presidential aspirant at Vice President (VP) Leni Robredo na tumulong na mapanagot ang mga nagkasalang opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na “malisyosong nan-red-tag sa mga indibidwal at organisasyon.”

Ang caravan, ayon sa grupong magsasaka na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ay gaganapin hanggang Marso 30, at tatahakin ang mga lalawigan ng Sorsogon, Albay, Camarines Sur, at Camarines Norte. Sakop din nito ang 41 munisipalidad at limang lungsod sa Bicol gayundin ang isang munisipalidad sa Quezon Province.

Samantala, binigyang-diin ng KMP na ang red-tagging ay "kadalasang pasimula sa mas masasamang paglabag sa mga karapatan."

“Red-tagging is very dangerous and could lead to rights abuses, illegal arrest and detention, militarization of entire communities, and even political killings. We demand a stop to red-tagging that was weaponized by the NTF-ELCAC to attack the civilian population,” sabi ng KMP sa isang pahayag.

Tinuligsa rin ng grupong magsasaka ang “patuloy na militarisasyon” sa Barangay Concepcion Grande sa gitna ng panahon ng halalan.

“Since March 21, an estimate of 50 uniformed and non-uniformed state forces encamped in Sitio Balatungan, Barangay Concepcion Grande, Naga City and are causing widespread terror and distress among residents,” dagdag ng KMP.

Iba't ibang organisasyong masa, kabilang ang Anakpawis at Makabayan Partylists, ang naghain ng kanilang reklamo laban sa mga maling opisyal ng NTF-ELCAC. Ang KMP naman ay nagpahayag ng kanilang intensyon na magsampa ng kaso bago matapos ang Marso 2022.

Charlie Mae F. Abarca