Sa kauna-unahang pagkakataon ay pinaunlakan ni re-electionist at kasalukuyang Quezon City mayor Joy Belmonte ng isang panayam si showbiz columnist Ogie Diaz, nitong Biyernes, Marso 25.

Bungad kaagad sa vlog, ang naging isyu nila sa isa't isa noong 2020 kung saan isa si Ogie sa mga naglabas ng negatibong reaksyon at pamumuna sa naging paraan ng pagsagot ni Mayor Joy sa mga detractors niya, sa kasagsagan ng pandemya noong 2020.

"To those who hate me, you are under no obligation to accept any of my projects [such as] housing, education, healthcare, social benefits," saad niya sa kaniyang Facebook post. "That means there will be more for those who truly have faith in me as their leader.”

Reaksyon naman ni Ogie: "Eto, sa totoo lang tayo, ha? Ibinoto ko si Joy Belmonte bilang mayor, wa echos 'yan.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Pero hindi ko isinusumbat sa kanya 'yan, ha? Pwede namang kahit wala yung isang boto ko, sama mo pa mga kapatid ko, panalo pa din naman siya, eh."

"Kasi, naniniwala ako sa kanyang kaya na niyang maging 'ina ng lungsod' pagkatapos niyang maging vice mayor ng siyam na taon? Kaya na niya, di ba?"

"Eh, parang napikon si mayora sa mga pume-pressure o tsuma-challenge sa kanya na gayahin si Mayor Isko o si Mayor Vico Sotto sa pagharap sa covid-19."

"Pero ok lang ako, mayora, ha? Kahit di po ako makatanggap ng relief goods na may tatak na 'Joy Para Sa Bayan' ha? Mas kailangan po talaga yan ng mga ka-lungsod ko, lalo na yung arawan lang ang kita. Tama po yan. Sana, tuloy-tuloy po ang pagbibigay ng ayuda sa kanila hanggang mawala ang covid-19 na ito."

Giit ni Ogie, maging ang mga detractors niya ay nagbabayad din naman ng buwis.

"Pero, mayora, baka type nyo namang bigyan ng pagpupugay ang mga taxpayers natin, ha? Opo, kasi pera po nila yang ipinambibili nyo ng relief goods, although mas kahanga-hanga po kayo kung ang nakalagay lang sa supot ay “from Quezon City Government” or kahit nga may nakasulat na 'Buwis n’yo ‘to, anubeh?'"

"Pero sige po, ok na po sa akin kung meron pang naka-print na “Joy Para Sa Bayan” basta wag lang po nating kalimutan na buwis po yan ng mga taga-lungsod. Pakibanggit naman po para masabi ko sa sarili kong, 'Uy, me ambag ako diyan!' Okay lang din po kung yung mga di naniniwala sa palakad nyo o sa paraan ng pamamahala nyo ay di makasali sa sinasabi nyong pabahay nyo, pa-healthcare nyo, libreng edukasyon nyo at kahit di pa makasali sa social benefits n'yo. Bigay n'yo na po 'yan sa higit na nangangailangan basta po tutuparin lang ang ipinangako."

Kaya tanong ni Ogie kay Mayora sa pagsisimula ng vlog, "Mayor, nagalit ka sa akin noong una?"

"Ikaw ang galit sa akin," nakangiti namang sey ni Mayora Joy. "

"Ay, ako ba galit sa 'yo," natatawang sabi ni Ogie hanggang sa nagkatawanan na sila.

"Ikaw ang galit sa akin, kasi I think noong time na nagsimula yung pandemya, 'di ba maraming galit sa akin? Isa ka 'doon," diretsahang sabi ng alkalde.

Natawa naman nang malakas si Ogie. Nagkaayos pala sila nang minsang magkita sila sa isang event at lapitan ni Mayora Joy si Ogie sabay sabing "Ogie, 'wag ka na magalit sa akin ha, bati na tayo."

Sa aktong ipinakita raw ng alkalde ay nakalimutan nitong mayor siya dahil sa pagpapakumbaba nito sa kaniya. Ang ibang mayor daw kasi, sila ang kailangang lapitan kung nais makipag-ayos. Hiyang-hiya raw si Ogie dahil ang alkalde pa raw ang lumapit sa kaniya para makipagbati.

Maluwag naman daw na tinanggap ni Mayor Belmonte ang kritisismo ni Ogie, bilang constituent ito sa Quezon City.

"Ikaw ay constituent ko, hindi ka naging masaya sa paglilingkod ko. Sorry 'di ba?" saad ng alkalde.

Nakuha raw niya ang kababaang-loob at iba pang values sa kaniyang amang si dating QC mayor Sonny Belmonte.