Matapos aprubahan ng Senado ang House Bill 7952, hinihintay na lamang ng mga mambabatas ang pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maitayo na sa probinsiya ng Quezon ang isa sa pinakamalaking ospital sa bansa.
Naglaan na ang gobyerno ng paunang pondong P100 milyon para sa pagpapatayo ng Southern Tagalog Multispecialty Medical Center sa Barangay Foton, Tayabas City.
Ang ospital ay may kakayahang manggamot ng mga may sakit sa puso, baga, bato at cancer.
Ito rin ang kauna-unahang pagamutan sa labas ng Metro Manila at sa Southern Tagalog na may kakayahang manggamot ng nabanggit na mga karamdaman.
Sa ngayon, ang ganitong mga karamdaman ay dinadala pa sa Quezon City kung saan narito ang Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines at National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
Ang Department of Health (DOH) ang mangangasiwa sa pagamutan para siguruhing makapagbibigay ng mahusay, epektibo at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.
Bago naipasa ng Senado ang nasabing panukalang batas, inaprubahan muna ito sa mababang kapulungan ng Kongreso matapos na iharap ni House Committee on Health chairperson, Quezon 4th District Rep. Angelina Tan na sinuportahan naman ni Quezon 1st District Wilfrido Mark Enverga kamakailan.