Natigil pansamantala ang pangangampanya ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno sa San Nicolas, Batangas matapos na mag-alala para sa mga residente ng nasabing lugar dahil sa pagputok ng Bulkang Taal nitong Sabado ng umaga. 

Nabatid na nakiusap si Moreno sa kanyang 3,000 audience na magsibalik na muna sa kani-kanilang tahanan upang makapaghanda sa posibleng mangyayari, tulad ng evacuation.

 

Nabatid na ang lugar kung saan ginawa ang rally ni Moreno ay may 10 kilometro lamang ang layo sa nasabing bulkan.

Sa kabila naman ng pagputok ng bulkan, ang mga residente ng San Nicolas, Batangas ay hindi man lamang nagpakita ng pagkabahala o pagkalito, dahil ayon sa kanila ay sanay na sila sa mga ganitong nagaganap sa bulkan.

Ang pagpapakita naman ni Moreno ng pag-aalala ay sinalubong ng mga residente ng matinding palakpakan kasabay ng pagtitiyak niya sa mga ito na ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay handang magbigay ng tulong  kung kinakailangan, katulad din ng ginawa nito noong huling sumabog ang Taal.

Matatandaan na noong nakaraang sumabog ang Taal ay nagpadala ng team si Moreno mula sa  Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pangunguna ng hepe nito na si  Arnel Angeles, upang magbigay ng tulong tulad ng maiinom na tubig, gamot at ambulansya.

Ang nasabing team ay mabilis na nakarating sa Taal dalawang oras matapos itong sumabog at nanatili ito sa nasabing lugar ng matagal kung saan naghahalinhinan ang mga miyembro ng team sa pagtulong sa mga nasalanta ng pagsabog, gayundin sa mga nagsilikas. 

Inilagay ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang kundisyon ng bulkan sa  Alert Level 3  kung saan mayroong itong "magmatic unrest" na handa ng magbuga ng "phreatomagmatic burst.”