Napa-react ang showbiz columnist na si Ogie Diaz sa pahayag ng premyadong aktres na si Elizabeth 'La Oro' Oropesa na ipapuputol nito ang mga paa niya at gagapang na lang siya, kung sakaling totoo ang mga alegasyong binabayaran umano ang mga artistang nagpapahayag ng pagsuporta kay presidential candidate Bongbong Marcos o BBM.

"Ipapuputol ko yung dalawa kong paa. Gagapang na lang ako kung binabayaran kaming mga artista kay BBM…" ayon sa pahayag ni La Oro.

"Natutuwa ako para doon sa mga artistang kinukuha nila kasi sigurado ako may TF (talent fee) 'yan. Eh sa atin (kampo ng UniTeam) walang TF."

"Kusa at dumadating talaga ang mga artista na kahit hindi imbitahan, sila pa ang nagtatanong kung paano sumama," aniya pa.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Masugid na tagasuporta ni BBM si Elizabeth na ipinahayag pa niya noon pa mang maingay na ang pagtakbo ni BBM sa pampanguluhan.

Ibinahagi ni Ogie sa kaniyang opisyal na Facebook account ang art card ng pahayag ni La Oro, na ibinalita naman ng isang news outlet.

"Sige po, pakigalaw na po ang itak," ayon kay Ogie nitong Marso 25.

Screengrab mula sa FB/Ogie Diaz

Hinamon naman niya ang aktres na maglabas ng resibo o katibayan kung may talent fee ba talaga ang mga artistang nasa kampo naman ng Leni-Kiko tandem.

"Pero since kayo yung accuser, patunayan n'yo. Aware naman kayo na uso ang resibo ngayon, maglabas kayo ng ebidensiya.

Elizabeth Oropesa ka, hindi ka si Marites."

Sa kaniyang tweet naman, mukhang may ibang ipapaputol si Ogie kapag pinaputol nga ni La Oro ang kaniyang mga paa.

"Sabi ni Elizabeth Oropesa, ipapaputol niya ang dalawa niyang paa kung di siya nagsasabi ng totoo na bayad ang mga performers sa Leni-Kiko rally," aniya.

"Ako, papaputol ko ang notes ko kung totoong ipapaputol niya ang mga paa niya."

Screengrab mula sa Twitter/Ogie Diaz

Wala pang tugon o pahayag si La Oro tungkol sa reaksyon na ito ni Ogie.

Si Ogie Diaz ay isa sa mga tagasuporta ng Leni-Kiko tandem o certified Kakampink.