Iminungkahi ni Presidential aspirant Vice President Leni Robredo na gawing mas limitado ang akses ng alak at pagsusugal sa publiko, habang ipinunto na obligasyon ng konstitusyon ng gobyerno na protektahan ang kapakanan ng mga Pilipino, lalo na ang kabataan.

Binitawan ni Robredo ang pahayag sa Usapang Halalan forum ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ipinalabas nitong Biyernes ng gabi, Marso 25.

Ayon kay Robredo, dapat gumawa ng paraan ang gobyerno para ma-regulate at matiyak na ang alak at pagsusugal ay higit na hindi maabot ng mga tao upang hindi malagay sa alanganin ang kapakanan ng mga pamilyang Pilipino.

“Ang gobyerno, obligasyon niyang siguruhin na kung pinapayagan niya yung pagbibili ng alcohol, kung pinapayagan niya yung gambling, hindi siya makarating doon sa state na nakakasira na siya sa welfare ng bawat pamilyang Pilipino,’ aniya.

Sinabi ng Bise Presidente na maraming paraan para i-regulate ang pag-inom ng alak, tulad ng pagkakaroon ng mas mahigpit na batas laban sa pagmamaneho ng lasing, pagkakaroon ng minimum age requirement sa pagbili ng mga alcoholic beverage, at hindi pagpayag sa mga menor de edad na pumasok sa mga establisyimento na nag-aalok ng alak.

Idinagdag niya na ang gobyerno ay maaaring magpataw ng mas mataas na buwis sa mga produktong alak upang tumaas ang kanilang mga presyo at maging mahirap para sa publiko na makuha ang mga ito.

Iminungkahi rin ni Robredo na dapat mag-alok ang gobyerno ng mga alternatibong paraan para makapaglibang ang mga tao upang matugunan ang alkoholismo at pagsusugal.

“Nag-uumpisa yung pag-iinom [at] pagsusugal sa paglilibang. ‘Pag ang gobyerno nag-offer siya ng alternatives na hindi siya nakakasama, merong pagpipiliin ang tao,” ani Robredo.

Gayunpaman, sinabi ni Vice President Robredo na dapat ding maging handa ang gobyerno na magbigay ng tulong sa institusyon kapag ang alkoholismo ay naging adiksyon.

“Isang problema ito na dapat hinaharap,” aniya.

“Dapat may mapupuntahan yung mga Filipino na nalululong dito para matulungan sila na makabalik sa normal at maka-function nang normal,” dagdag nito.

Sinabi ni Robredo na hindi lamang dapat magdesisyon ang gobyerno batay sa kita na nakukuha nito, lalo na kung ang kapakanan ng mga Pilipino ang nasa linya.

“Para sa akin yung social cost priceless yun, eh. Hindi yun nabibigyan ng presyo. No amount of revenues na pumapasok can compensate doon sa nasisirang mga buhay,” sabi ni Rorbedo.

“Yung diskusyon na sayang kasi maraming revenues na pumapasok, hindi ko yun binibili. Kasi kahit pa gaano kalaki yung pumapasok na pera para sa atin, kung buhay ng Filipino ang nasisira dapat mas konsiderasyon natin yun,” dagdag niya.

Argyll Cyrus Geducos