Iginiit ng PinoyOlympic gold medalist na si Hidilyn Diaz na kaya pa niyang lumaban sa iba't ibang bansa upang makakuha pa ng maraming medalya ang Pilipinas.
Reaksyon ito ni Diaz sa mga puna ng publiko na dapat na siyang magretiro sa larangan ng palakasan.
Sa pagsalang nito sa webinar ng isang life insurance company nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Diaz na naghahanda na siya para sa mga susunod na laban sa kabila ng pagkapanalo nito sa pinakamalaking sporting event sa buong mundo na ginanap sa Japan noong 2021.
"Para sa 'kin 'yung nasa isip ko what's next. Ano susunod na gagawin ko? Gusto ko pa ng ganito. Marami na nagsasabi na pwede na, gold medalist ka na pero sabi ko, kaya ko pa eh," pagdidiin ni Diaz.
Pinaghahandaan na rin aniya nito ang pagsali sa 2024 Paris Olympic Games kung saan kumpiyansa siyang mag-uuwi ng medalya.
"Huwag n'yo naman ako i-stop. Sa 'kin kasi, malakas pa ko e. Kung 'di ko na kaya, ako mismo mag-stop ako. Pero gusto ko pa, mahal ko pa ang sports. Kaya ko pa magsakripisyo para sa Pilipinas. Hindi ako nakikinig sa kanila kasi alam kong kaya ko pa," paglalahad pa nito.