Handa nang isampa sa korte ang kasong kriminal laban sa anak ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. kaugnay ng pambubugbog nito sa isang security guard ng isang subdivision sa Parañaque kamakailan.

Gayunman, ipinaliwanag ni Atty. Delfin Supapo, chairman ng BF Federation of Homeowners Associations Inc. (BFFHAI) legal committee sa isang panayam sa telebisyon, kung magtatago ang biktimang si Jomar Pajares ay hindi nila maisusulong ang kaso laban kay Kurt Matthews Teves.

Si Pajares ay binugbog at pinagbantaan pa umano ng anak ng kongresista matapos masita dahil walang sticker ang kanilang sasakyan na papasok sana sa BF Homes Subd. noong Marso 16.

Sa viral video, kitang-kita si Teves nang sipain, suntukin at bantaang barilin si Pajares. 

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

"Tinutukan ako ng baril. Sabi ng bodyguard, 'wag dito madami tao baka makita ka rin sa CCTV," ang naunang pahayag ni Pajares.

"Ready na kami for filing talaga, nandito na. Hindi na namin maipu-pursue mag-file ng criminal case kasi kailangan nandun si Pajares," paliwanag naman ni Supapo.

Sa panayam kay Pajares nitong Biyernes ng umaga, sinabi nito na nangangamba siya dahil sa insidente.

"Natatakot ako mabalikan ng mga tao na 'yun. Tapos naiisip ko pamilya ko. May anak po ako tapos hindi ako makapaghanapbuhay ng maayos dahil sa takot, dahil sa trauma. Wala ako kalayaan na makatrabaho ng maayos para itaguyod pamilya ko," paliwanag pa nito.

Kamakailan, humingi na ng paumanhin si Kurt Matthew Teves at nagbitiw sa puwesto bilang ex-officio member ng Negros Oriental Provincial Board matapos kumalat ang nabanggit na video.