Sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) nitong Biyernes, Marso 25, na ipagpapatuloy nito ang pagpapatupad ng Malnutrition Reduction Program (MRP) sa Pilipinas para pakainin ang humigit-kumulang 3.64 milyong mga batang Pilipinong "bansot" na edad anim na buwan hanggang tatlong taong-gulang.
Ang MRP ay isang science-based initiative ng DOST Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na naglalayong tugunan ang mataas na prevalence ng malnutrisyon sa mga sanggol at batang Pilipino.
Sa pamamagitan ng programa, katuwang ng DOST ang local government units (LGUs), national government agencies, gayundin ang pribadong sektor. Ang DOST-FNRI ay nagpapatupad ng MRP mula noong 2011.
Bagama't nakikinabang ang programa sa maraming Pilipinong nangangailangan, binigyang-diin ng DOST ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga katuwang na may parehong layunin na mapuksa ang malnutrisyon sa bansa.
“Kailangan po namin ng partners hindi lang po sa gobyerno, pati po sa private sector dahil ito pong problema natin na 3.64 million [malnourished] children ay hindi po biro. That is about three percent of the country’s population, but more importantly ‘yan po ang future ng ating bansa,” ani DOST Undersecretary for Research and Development Dr. Rowena Cristina Guevara.
Sa isang press statement, ipinaliwanag ng DOST na ang isang pakete ng “complementary food” na ginawa ng DOST-FNRI ay nagkakahalaga ng P15. Ito, ayon sa Kagawaran, ay kailangan bawat bata araw-araw.
Katumbas ito ng P54 milyon kada araw para pakainin ang 3.64 milyon na bansot na bata sa bansa sa loob ng humigit-kumulang 120 araw ng pagpapakain.
“Currently, through [our] existing complementary food production facilities, [we] can only cover 2.04 percent of this projected demand,” sabi ng DOST.
Samantala, ipinakita ng datos ng DOST na sa kasalukuyan, ang MRP ay nagtagumpay sa pagtatatag ng kabuuang 37 food production facility sa 17 rehiyon at 33 probinsya sa bansa.
Charlie Mae F. Abarca