Sisimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng "heat stroke break" sa mga enforcer at street sweepers nito sa Biyernes, Abril 1 upang maprotektahan sa sakit ang mga ito ngayong tag-init.

Ang hakbang ay alinsunod sa memorandum circular na inilabas ni MMDA chairman Romando Artes.

Sa ilalim ng polisiya, pinapayagan ang on-duty traffic enforcers at street sweepers na umalis sa kanilang puwestobasta may kasalitan habang nagpapahinga sa loob ng kalahating oras.

Para sa traffic enforcers na nagtatrabaho ng 5:00 ng madaling araw hanggang 1:00 ng hapon, ang itinakdang “heat stroke break” ay simula 10:00 ng umaga hanggang 10:30 ng umaga o 10:30 ng umaga hanggang 11:00 ng umaga; sa mga may duty ng 1:00 ng hapon hanggang 9:00 ng gabi, ang kanilang break time naman ay magmula 2:30 ng hapon hanggang 3:00 ng hapon o 3:30 ng hapon.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Ang mga nagtatrabaho ng 6:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon ay may “heat stroke break” ng 11:00 ng umaga hanggang 11:30 ng umaga o 11:30 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali; at para naman sa 2:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi na shift, ang kanilang break time ay mula 3:00 ng hapon hanggang 3:30 ng hapon o 3:30 ng hapon hanggang 4:00 ng hapon.

Sa mga street sweepers na nagtatrabaho mula 6:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon, ang kanilang “heat stroke break” ay mula alas-11:00 ng umaga hanggang 11:30 ng umaga o 11:30 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali; para sa 7:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon na duty, maaari silang magpahinga ng 12:00 ng tanghali hanggang 1:00 ng hapon bilang regular break time; at sa mga nagtatrabaho magmula 11:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi, ang break time nila ay simula 2:30 ng hapon hanggang 3:00 ng hapon o 3:00 ng hapon hanggang 3:30 ng hapon.

"The heat stroke break shall be done alternately by those who are assigned in a particular area to maintain visibility of traffic enforcers and street sweepers and to ensure field operations are not hampered," sabi ni Artes.

Makaka-avail din ang field personnel ng karagdagang 15-minutong break time sakaling ang heat index o ang “human discomfort index” sa Metro Manila ay umabot sa 40 degrees Celsius at pataas.

Sa pahayag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang heat index ay nagbibigay ng alinsangan o aktuwal na nararamdamang temperatura sa katawan na kakaiba sa air temperature sa kapaligiran.