Ipinagsusumite ng Commission on Elections (COMELEC) ng internal investigation report ang Smartmatic dahil sa umano'y security breach nito.

Matatandaan na nitong Miyerkules, Marso 23, sinabi ng Comelec na inaaksyunan na nila ang tungkol sa alegasyon.

“Details cannot be revealed yet so as not to prejudice the on – going NBI investigation,” saad ni Comelec Commissioner George Irwin Garcia.

Sa isang pahayag ni ComelecChair Saidamen Pangarungannitong Huwebes, Marso 24, hinihiling niya sa Smartmatic na magpasa ito ng kanilang internal investigation report dahil sa mabibigat na alegasyon ng paglabag at kawalan na pagpapasya ng Comelec.

Photo courtesy: PTV4

Bukod dito, nais din niyang ipa-review ang kontrata ng Smartmatic sa Law Department ng Comelec at aatasan din ang Information Technology Department na magbigay ng detalyadong plano upang maiwasan ang paglitaw ng isang katulad o kaugnay na isyu.

Hihingi rin ng kopya ang Comelec sa magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI.

Bagamat patuloy pa rin namang naninindigan ang Comelec na hindi sila nabiktima ng anumang pag-atake na nagresulta sa isang security breach, tiniyak ni Pangarungan na hindi nila ipagwawalambahala ang naturang mga alegasyon.

“Although we maintain that the Comelec has not fallen victim to any attacks that will amount to a security breach, we will not take these allegations sitting down,” aniya pa.

Nauna nang sinabi ni Comelec Commissioner George Irwin Garcia noong Marso 17 na hindi na-hack ang Comelec. Ito'y matapos ang executive session kasama ang Comelec officials, Smartmatic, National Bureau of Investigation (NBI), at Department of Information and Technology (DICT).