Kahit inilaglag na ng Partido Reporma sa pagiging standard bearer ng partido si presidential candidate Panfilo "Ping" Lacson, hindi pa rin siya iiwan ng dating kalihim ng Department of Agriculture (DA) at senatorial candidate na si Emmanuel "Manny" Piñol.

Ito ang kinumpirma ni Piñol sa kanyang Facebook post nitong Huwebes ilang oras matapos magbitiw si Lacson bilang chairman ng nasabing partido nang malaman kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez na nakapili na ang Partido Reporma ng kandidatong iindorso sa 2022 National elections.

"Prinsipyo ang nakataya dito. 'Di ako sasama sa paglipat sa kabilang grupo. Dito lang ako kay Ping Lacson! #52," pagdidiin ni Piñol sa kanyang post sa social media.

Si Piñol na dati ring chairman ng Mindanao Development Authority (MinDA), ay kabilang sa senatorial slate ni Lacson na dati namang katambal ni vice presidential bet, Senate President Vicente "Tito" Sotto.

"Salamat, MannyPiñol. Walang iwanan, tuloy ang laban!" tugon naman ni Lacson Facebook post ni Piñol.

Matatandaang nagbitiw si Piñol sa puwesto sa MinDA noong Oktubre ng nakaraang taon upang sumabak sa pulitika.

Naging kalihim din ng DA si Piñol mula Hunyi 30, 2016 hanggang Agosto 5, 2019 bago itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa MinDA.