Hinikayat ni Mati Bishop Abel Apigo ang mga paring Katoliko na maglunsad ng prayer vigil para sa kapayapaan ng mundo, lalo na sa Ukraine.
Ang paghikayat ay ginawa ng obispo sa isang sirkular na inilabas para sa pakikiisa ng simbahan sa Pilipinas sa pagtatalaga sa Russia at Ukraine sa kalinga ng Kalinis-linisang Puso ni Maria, bukas, Marso 25.
“It is also highly encouraged that you organize prayer vigils or holy hour/s for the intentions of Ukraine and for world peace,” mensahe pa niya.
Sa sirkular ng Obispo, inatasan nito ang mga pari ng diyosesis na maglaan ng misa sa nasabing petsa, kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Paghahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoon para dasalin ang Act of Consecration to the Immaculate Heart of Mary.
Sinabi ng obispo na pansamantalang ipagpaliban ang pagdarasal sa Oratio Imperata upang bigyang daan ang Act of Consecration.
Ipinamahagi na rin naman ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) ang kopya ng panalangin mula sa Vatican na isinalin sa Tagalog at Cebuano.
Apela pa ni Apigo sa mananampalataya ang patuloy na panalangin para sa pagkakaisa at pagkakamit ng kapayapaan sa buong mundo.
“Let us continue to pray for the peace in Ukraine and of the whole world. We believe that through the intercession of the Blessed Mother peace will be attained,” aniya.
Nabatid na ganap na alas-5:00 ng hapon ng Marso 25 isasagawa sa St. Peter's Square ang 'penance at act of consecration' na pangungunahan ni Pope Francis sa natatanging intensyong kapayapaan sa Russia at Ukraine.
Makibahagi naman si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa pagtatalaga kasama si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa misang gaganapin sa Manila Cathedral, ganap na alas-6:00 ng gabi.