Masaya at proud si Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na si Vice Mayor Honey Lacuna ang papalit sa kanya bilang susunod na alkalde ng lungsod.

“I am happy and proud na ang susunod na mayor ng Maynila ay babae…Siya ang susunod na hahawak ng bandila,” ito ang sinabi ni Moreno matapos na pangunahan ang ceremonial turnover ng newly-renovated Universidad de Manila-Henry Sy Campus CMIT Building sa Sta. Cruz nitong Miyerkules.

Ayon kay Moreno, ang pag-upo sa tanggapan ni Lacuna bilang kauna-unahang babaeng mayor ng lungsod ay patunay lamang na mayroong pantay na oportunidad sa Maynila para sa lahat kahit ano pa ang kanilang kasarian.

“Pinatutunayan ng pamahalaang-lungsod ang pagkakapantay-pantay sa Maynila. As long as you are willing to serve, equal opportunity will be given whether in private or government sector,” pahayag pa ng alkalde.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sinabi pa ng alkalde na si Lacuna ay kauna-unahan ding babaeng majority floor leader ng Manila City Council at kasalukuyang Presiding Officer ng Manila City Council na kanyang hinahawakan bilang first lady vice mayor din ng kabisera ng bansa.

“I am happy when I asked Manilans to give equal opportunity, tingnan kakayanan at ‘wag ang kasarian at binigay nilang partner ko si Vice Mayor Honey na nataong doktora pa… pinakamabisang naging partner ko on top of the employees sa pandemyang ito,” sabi ng alkalde.

Idinagdag pa niya na: “Napakalaking bagay na doktora ang partner sa pagharap sa pandemyang ito. Kung alam nyo lang ang dedication niya (Lacuna). Sa kanya nga ako nagka-COVID eh.”

Sa naturang pagtitipon na dinaluhan rin ni Lacuna at ng kanyang running mate na si Congressman Yul Servo, UDM president Dr. Ma. Felma Carlos-Tria, division of city schools Superintendent Magdalena Lim, city engineer Armand Andres, at iba pa, pinasalamatan rin naman ni Moreno ang pamilya ni Hans Sy dahil sa tulong na ibinigay nito sa pagkakaroon ng bagong gusali ang UDM.

Ayon sa alkalde, malayo ang mararating nito sa pag-abot ng pamahalaang lungsod ng adhikaing makamit ang de kalidad na edukasyon.

Kinilala rin naman ni Moreno ang pagsisikap ng yumaong Manila Mayor Fred Lim na maitayo ang City College of Manila (CCM), na ngayon ay UDM na, noong panahon ng panunungkulan nito.Nabatid na itinatag ni Lim ang CCM para sa mga estudyanteng hindi nakapasok sa PLM.