Nakipagpulong na si Pangulong Rodrigo Duterte kay presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. bago pa man iendorso ng administration party PDP-Laban ang kanyang kandidatura ng huli.

Ito ang kinumpirma ng dating tauhan ni Duterte na si Senator Christopher “Bong” Go na kasama sa nasabing pagpupulong nitong Marso 20.

Gayunman, hindi na binanggit ni Go kung saan nagpulong ang mga ito.

Naging produktibo naman aniya ang pagpupulong ng dalawa kung saan tampok ang pagbabahagi ng Pangulo ng kanyang karanasan at pinayuhan din nito si Marcos kaugnay ng pagka-pangulo.

“Maganda naman po ang resulta ng meeting. Medyo matagal-tagal nga ‘yon at talagang ganado ‘yung Pangulo na magkuwento. I think about 80 percent ng discussion ay more on si Presidente po ang nagsasalita,” sabi ni Go.

Matatandaang nitong Martes ay pinangunahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang pag-indorso ng PDP-Laban sa kandidatura ni Marcos.

Hindi naman ito pinalampas ni presidential candidate Manny Pacquiao na binatikos ang naging hakbang ng partido.

“Alam mo ‘yung susundin si Cusi, parang, sorry to say this, but nagiging unang-una, ‘trapo’. Pangalawa, hindi siguro nag-iisip. Binuo ‘yung partido na ito laban sa pamumuno ni Ferdinand Marcos,” paglilinaw ni Pacquiao sa isang pulong balitaan nang mangampanya ito sa Isabela kamakailan.

Nanawagan din ito sa mga miyembro ng nasabing partido na huwag sundin si Cusi.

Aniya, itinatag ang partido noong 1982 upang tutulan ang diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

Si Pacquiao ay namumuno sa isa pang faction ng PDP-Laban, kasama si Senator Aquilino "Koko" Pimentel.