Isa sa mga tagasuporta ng BBM-Sara tandem ang beterana at premyadong aktres na si Jaclyn Jose, na makikita sa kaniyang social media posts.
Noong Enero 4, ibinahagi niya ang litrato ni BBM na may hawak na bandila ng Pilipinas at sa tabi nito ay isang tigre.
"Sorry for kerp on deleting ..pic na lang..no explanation ?" ayon sa kaniyang caption.
Noong Pebrero 8, 2022, hayagan niyang sinabi na ang napipisil niya bilang pangulo at pangalawang pangulo ay sina BBM at Inday Sara.
"My President and my Vice President… I said my.. meron tayo lahat… at sila napili ko…" caption ni Jaclyn.
Sa isa pang IG post sa kaparehong petsa, ibinahagi niya ang litrato ni BBM na may background na bandila ng Pilipinas at may caption itong 'My President'.
Ayon sa ulat ng 'Fashion Pulis' nitong Marso 24, 2022, ibinahagi ni Jacklyn ang isang art card hinggil sa pahayag ni French astrologer Michael Nostradamus. May caption itong "Ang sumusuporta kay BBM tahimik. Ang bell na lang ang magsasalita, we don't have to let the faith will come. We do not to go on the stage…faith."
"Let us trust in God for He knows what is best… not Nostradamus or anyone can dictate our future President. I am an Iglesia ni Kristo. I can fight la pa announcement… please stop judging, antay lang ako announcement… pero kung sino dadalin namin maluwag sa puso ko… antayin ko na lang," aniya.
Habang isinusulat ito ay hindi na makikita sa IG account ng beteranang aktres ang naturang post.
Samantala, nauna nang nilinaw ng UniTeam na hindi pa sila ineendorso ng Iglesia ni Cristo o INC kahit na ginanap sa Philippine Arena ang kanilang proclamation rally noong Pebrero 8, 2022.