Ibinunyag ni Senador Imee Marcos nitong Huwebes, Marcos 24, “maraming indibidwal" na “ayaw maglingkod sa gobyerno” noong una, ay nagpahayag ngayon ng interes na maging miyembro ng gabinete ng posibleng administrasyong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ni Imee sa Pandesal Forum na marami umano ngayon ang navo-volunteer na maging bahagi ng gabinete ni Marcos Jr.

“Marami talagang dati ayaw pumasok sa gobyerno, ngayon nag-vovolunteer, so yun ang nakakatuwa," anang senadora.

"Pero ang gusto ko sana, ‘wag na tayo mauwi sa kung sino sinong kaibigan, kabarilan, kachikahan. Sana for a change ang pipiliin, kagalingan na lang, katapatan sana, ganon na lang," ani Imee, kapatid ni Bongbong.

Aniya ang mahalaga para kay Bongbong ay ang unang 100 araw ng kanyang kapatid kung ito ay mahalal sa Malacañang.

“Nakakatakot din itong overwhelming support. Kaya nga lang ang problema doon, umaasa yung tao ng himala," aniya.

"Ang totoo walang himala. Kayod ito. Magiging napakahirap ang susunod na administrasyon, napakahirap ng trabaho nyan at yung first 100 days dapat kaagad agad makakita ang tao ng pag asa sa kabila ng hirap na yan," dagdag pa niya.