Suportado ni dating Makati Rep. at Partido Reporma Senatorial aspirant Monsour del Rosario ang kandidatura ni Vice President Leni Robredo sa pagka-pangulo. 

Sa kanyang Facebook post nitong Huwebes, Marso 24, na ibibigay niya ang kanyang suporta kay Robredo dahil naniniwala siya sa misyon umano nito na baguhin at i-angat ang bansang Pilipinas. 

"Ngayon, ibinibigay ko ang aking suporta sa ating kagalang-galang na Bise Presidente Leni Gerona Robredo sa kanyang hangarin na maging susunod na Pangulo ng Pilipinas," ani del Rosario.

"Naniniwala ako na ang kanyang misyon upang baguhin at iangat ang bansa ay naaayon sa sarili kong kagustuhan para magkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay ng ordinaryong Pilipino, lalo na ang mga napabayaan ng mga nakaraang administrasyon," dagdag pa niya.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Gayunman, iginagalang niya ang desisyon ni presidential aspirant at Senador Ping Lacson sa pagbibitiw bilang chairman ng Partido Reporma. Saad niya, isang mabuting tao na may tapat na puso at taos-pusong hangarin na maglingkod sa mga Pilipino.

"Naniniwala ako na marami pa siyang magagawang mabuti para sa ating bansa, at ang aking kahilingan para sa kanya ay pawang kabutihan lamang," aniya.

Panalangin din ng senatorial aspirant na makita ang isang mas magandang Pilipinas para sa bawat Pilipino.

"Dalangin ko na ang aming pananaw na makita ang isang mas magandang Pilipinas at mas magandang kalagayan ng pamumuhay para sa bawat Pilipino – lalaki man, babae, o bata – ay maisakatuparan," ani del Rosario.

"Umaasa ako na anuman ang resulta ng halalan sa Mayo 9 ay magiging simula ito ng tunay na pag-unlad na patas at kaakibat ang lahat," dagdag pa niya.

Kaugnay naman sa kanyang pagtakbong senador, sinabi niyang sasagutin niya ang panawagan ng bansa para sa pagkakaisa.

"Tungkol naman sa aking kandidatura, diringgin ko ang salita ni dating Pangulong Manuel L. Quezon: “Ang aking katapatan sa alinmang paksyon ay nagtatapos kung saan nagsisimula ang aking katapatan sa bayan,"" aniya.

"At ngayon ay narito ako upang sagutin ang panawagan ng bansa para sa pagkakaisa at makiisa sa kilusan para sa tunay na pagkakaisa," dagdag pa nito.

Si Monsour del Rosario ay tumatakbo sa ilalim ng Partido Reporma.

Nangyari ang pahayag na ito matapos i-endorso ni dating House Speaker at Presidente ng Partido Reporma Pantaleon Alvarez si Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo.