Usap-usapan ngayon ang litrato nina vice presidential candidate at Senate President Tito Sotto at Senadora Imee Marcos kung saan makikitang tila magkasama sila, na ibinahagi sa Instagram ng vice presidential candidate nitong Marso 22, 2022.

Subalit ang mas nakakaintriga ay ang caption nitong "May pinagusapan", at sa comment section nito, isang IG user na 'purpleluxe' ang naglagay ng green heart emoji. Sa ibaba nito, nagkomento naman si Tito ng "Signing" na may 1,269 likes habang isinisulat ito. Naka-limit naman ang comment section nito at hindi bukas sa public comments.

Senate President Tito Sotto at Senadora Imee Marcos (Screengrab mula sa IG)

Natatanong tuloy kung totoo ba ang kumakalat na bali-balitang aatras na sa kaniyang kandidatura si Sotto at susuportahan ang BBM-Sara tandem.

Lalo pang umingay ang bulung-bulungan nang maglabas ng TikTok video ang anak nina Tito at Helen Gamboa na si Ciara Sotto noong Lunes, Marso 21, kung saan makikitang nakasuot ito ng green shirt na may nakasulat na 'CIARA ALL', na kagaya sa 'SARA ALL' ni Inday Sara Duterte, na katunggali ng kaniyang tatay.

Dahil sa ‘Ciara All’ shirt, netizens may urirat: May magsasanib-pwersa nga ba?
Ciara Sotto (Screengrab mula sa TikTok)

Basahin: Dahil sa ‘Ciara All’ shirt, netizens may urirat: May magsasanib-pwersa nga ba? – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Naglalaman rin ng “green heart” at “peace sign” emojis ang caption ni Ciara na siya lalong nagbigay ng animo’y “clue” sa mga netizen.

Inilagay rin ni Ciara ang #justforlaughs, #justforfun, #wagniyoakoseryosohin, #ganunnamanpalagi sa caption ng video.

Ayon pa sa isang netizen, animo’y totoo ang 'chismis' na nagsanib-pwersa umano ang UniTeam at ang team nina Lacson-Sotto.

Sa isa pang Instagram post ni Ciara, tinawag niyang “my vice-president” ang ama at iginiit ang hashtag na #LacsonSottoTayo.

“Happy CIA-Turday guys! Watch my president- @iampinglacson Ping Lacson and (my Vice-president) my Daddy in this super special and fun vlog with @iam_iwa ! Go to my YouTube Channel now and find out their secrets #LacsonSottoTayo Link in my bio,” caption ni Ciara sa kanyang IG post noong Marso 20.

Matatandaan na sa huling vice-presidential survey ng Pulse Asia na inilabas noong Marso 14, nangunguna si Duterte na may 53% at sinundan naman ito ni Sotto na may 24%.

Ang beteranang aktres na si Helen Gamboa na misis ng senate president ay tita ni Megastar Sharon Cuneta, na mister naman ng katunggali nina Sotto at Duterte na si Senador Kiko Pangilinan. Minsan ay naintriga na rin ng mga netizen na tila raw nagsisimula na ang 'dedmahan sa socil media' sa pagitan ng dalawang pamilya dahil sa eleksyon.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/01/19/sharon-at-pamilya-sotto-dedmahan-na-raw-sa-social-media/">https://balita.net.ph/2022/01/19/sharon-at-pamilya-sotto-dedmahan-na-raw-sa-social-media/

Samantala, wala pang tugon o pahayag si Sotto tungkol sa mga kumakalat na isyung ito, at paglilinaw kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang cryptic IG post.