Binigyang-diin ng chairperson ng Vaccine Expert Panel (VEP) nitong Miyerkules, Marso 23, ang kahalagahan ng pagbibigay ng pang-apat na dosis ng mga bakunang Covid-19 para sa mga senior citizen at immunocompromised na indibidwal.
Nauna nang inaprubahan ng VEP ang pagbibigay ng ikaapat na dosis ng mga bakuna sa Covid-19 para sa nasabing mga vulnerable group.
“Nakita po sa ibang mga datos, sa ibang countries na after the first booster, yung tinatawag nating third dose dito ay bumaba rin, nag-wane yung antibodies, although hindi pa gaano kababa sa general population,” ani VEP Chairperson Dr. Nina Gloriani sa Laging Handa Briefing.
“Titingnan natin doon sa mga immunocompromised, ang mga elderly, na baka mas mababa ito. Kaya natin inirerekomenda na magkaroon ng fourth dose para iangat ang proteksyon,” dagdag ni Gloriani.
Para sa general population, pinanindigan ni Gloriani na ang ikaapat na dosis ay hindi pa kailangan.
“Maaaring tingnan pa yan, kasi yung rest of the population ay yung general healthy population,” paliwanag niya.
“Sa ngayon, talagang uunahin at ang importante ay mabigyan sila ng first booster, ito yung third dose,” dagdag nito.
Inulit ni Gloriani na ang mga booster shot ay nag-aalok ng karagdagang proteksyon laban sa mga variant ng pag-aalala.
“Ang amin talagang sinasabi, ini-explain ay hindi enough ang dalawang doses… lalo na sa variants of concern like Omicron. Ang data shown sa kanila, lalo sa may mga edad ay makakatulong ang first booster man lang para maiangat ulit yung level ng protection. Ngayon hindi pa po tayo tapos sa Covid at sa variants,’ aniya pa.
Gabriela Baron