Makikita mang nanghihina pa rin at nangangayayat sa kanyang patuloy na pagrekober sa sakit, nakiisa pa rin sa grand campaign rally ng Leni-Kiko tandem sa Tarlac si Kris Aquino ngayong Miyerkules.
Alalay ang kanyang mga anak na si Josh at Bimby, naging emosyonal si Kris sa kanyang pagsasalita sa Puso Tarlac, campaign rally nina Presidential candidate at Vice President Leni Robredo at running mate itong si Sen. Kiko Pangilinan.
Matatandaang nalinaw kamakailan na may erosive gastritis at gastric ulcer si Kris matapos ang ilang medical assessment sa Amerika.
Maririnig pa ang sigawan ng mga tagasuporta ang mga salitang, “Laban, Kris!”
Ayon sa aktres, pinayagan lang siyang manatili sa rally sa loob lang ng tatlumpung minuto dahil pa rin sa kanyang kondisyon. Dagdag niya, noong Martes, Marso 21 lang niya nalaman na ngayong Miyekules gaganapin ang rally ni Robredo sa kanyang hometown.
“Sabi ko, ‘I’m going and nobody can stop me,’” saad niya.
“Kung alam niyo lang yung nerbyos na binigay ko sa lahat, pero I said for my dad, ‘The Filipino is worth dying for.’ Para po sa akin, ang tumapak dito sa Tarlac is worth all the risk dahil kailangan ko pong magpasalamat,’ dagdag ni Kris.
Tila may pasaring naman ito sa isang taong nang-iwan umano na hindi naman nabanggit sa buong pagsasalita ng aktres.
“Hindi niyo kami iniwan. Hindi niyo kami pinabayaan. Well at least, kayo, except for yur you know who. Pasensya na. Thank you,” ani Kris.
“Sinabihan akong wag makipag-away pero nabubuwisit po talaga ako. I’m sorry kung hindi ako ang mabait na Aquino. Ako lang po ang ganito sa pamilya na sasabihin ang totoo dahil nakakabuwist talaga yung walang utang na loob,” aniya.
Muling nagbalik-tanaw si Kris sa naging tahanan ng kanyang pamilya bago maging senador ang amang si Ninoy at maging Pangulo ang kanyang kapatid na si Pnoy.
“Kung sino ang sinuportahan mo sa dulo dapat nandoon ka,” ani Kris.
Sunod na inendorso ni Kris ang kandidatura ni Robredo na aniya’y matagumpay sa pagiging ina pa lang.
“I judge a person based on the fact na nanay ako, nanay siya. Ang ganda ng pagpapalaki sa mga anak niya,” ani Kris.
Ibinalandra rin ni Kris ang mga academic attainment ng magkakapatid na si Jillian, Tricia at lalo na ang Harvard Master’s degree ng panganay ni Robredo na si Aika.
“Hindi peke,” bulalas ni Kris.
Sinamahan din ng aktres na si Angel Locsin si Kris sa entablado at sunod na nagpahayag ng pagsuporta sa Leni-Kiko tandem.