Ginulat ng Queen of All Media na si Kris Aquino ang bayan ng Tarlac nang dumalo ito sa Puso: People’s Grand Rally ng Presidential candidate at Vice President Leni Robredo, Marso 23, 2022.
Sa parte ng kanyang talumpati, diretsahang inihayag ni Kris na nabi-bwisit siya sa mga taong walang utang na loob.
Aniya, “‘Di niyo kami pinabayan. Well at least kayo except for your – you-know-who. Pasensya na ha… Thank you. Sinabi sa - sorry po ah. Sorry sinabihan akong huwag makipag-away pero nabi-biwsit po talaga ako. I’m sorry na hindi ako yung mabait na Aquino. Ako lang po ang ganito sa pamilya na sasabihin ang totoo dahil nakaka-bwisit talaga yung walang utang ng loob. Okay pero dedma na. Dedma na ‘don. Let’s focus sa importante.”
Usap-usapan ngayon sa social media kung sino ang pinatatamaan ng actress-host. Ilan pang netizens ang hinuhang si Tarlac City Mayor Cristy Angeles ang tinutukoy ni Tetay. Matatandaang unang inendorso kasi ni Angeles si Robredo sa pagka-Pangulo noong 2021 ngunit ngayon, si Presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos na ang ine-endorso ng nasabing alkalde.
Samantala, sa paglilibot ng Bise-Presidente sa Tarlac nitong Miyerkules, tatlong alkalde ang nagsaad ng pagsuporta nito sa kanyang kandidatura kabilang sina Sta. Ignacia Mayor Nora Modomo, Moncada Mayor Estrilita Aquino at Capas Mayor Reynaldo Catacutan.
Wala pang opisyal na iniendorsong kandidato si Tarlac Governor Susan Yap sa kamakailang paglilinaw nito.
Kilalang baluwarte ng mga Aquino ang Tarlac kaya't nagpa-salamat naman si Kris sa mga Tarlakenyo sa suportang ibinibigay nila kay VP Leni.
Ibinahagi din ito ang iniwan ng kaniyang kapatid at dating Pangulong Noynoy Aquino kay Robredo na isang liham kung saan inilarawan nito na sincere na lider at inuuna ang iba bago ang kanyang sarili si Robredo.
Ito ang kauna-unahang pagdalo ni Kris sa campaign rally matapos nitong magka-sakit at dumaan sa mga medical procedures. Sa ngayon, wala pang ulat kung tuloy-tuloy na ang pagsama ng Queen of All Media sa iba pang sorties ng Bise Presidente.