Itinaas ng Malacañang ang posibilidad na mamagitan si Pangulong Rodrigo Duterte para maayos ang sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar, maaaring makumbinsi si Duterte na kumilos bilang tagapamagitan sa pagitan ng Russia at Ukraine, sakaling humingi ng tulong sa kanya ang mga world leader.

“Kung hihilingin po iyan ng mga world leader, maaari naman po,” ani Andanar sa isang online press briefing, nang tanungin kung magsisilbing tagapamagitan si Duterte sa dalawang bansa.

Inilabas ni Andanar ang pahayag, isang araw matapos sabihin ni dating presidential spokesperson at senatorial aspirant na si Harry Roque na maaaring magsilbi si Duterte bilang peacemaker sa pagitan ng Russia at Ukraine, dahil sa neutral na posisyon ng Pilipinas at constitutionally-mandated foreign policy of peace with all nations.

Internasyonal

Pinay tourist sa Taiwan, nabangga ng tren habang nagpipicture

Giit ni Roque na ang katayuan ni Duterte sa mga bansa na direkta at hindi direktang sangkot sa labanan sa Silangang Europa ay maaaring maging daan upang pagkasunduin ang dalawang partido.

Matatandaan na sa kanyang Talk to the People tape noong Lunes ng gabi, Marso 21, ngunit ipinalabas noong Martes ng umaga, muling iginiit ni Duterte na mananatiling neutral ang Pilipinas sa labanan ng Russia-Ukraine.

Si Duterte, gayunpaman, ay nagpahayag ng pag-asa na ang standoff, na binansagan niyang "stupid war," ay matatapos na.

"I hope that this war, I said I call it a ‘stupid war,’ dapat mahinto na nila. At this time, we choose to remain neutral. Huwag na muna tayong makialam," ani Duterte.

Iniulat ng United Nations High Commissioner for Refugees na humigit-kumulang 10 milyong tao ang nawalan ng tirahan dahil sa digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ang sigalot sa pagitan ng Moscow at Kyiv ay nagresulta sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at napakalaking problema ng mga refugee sa Silangang Europa.

Ang krisis ay nagtulak din sa Department of Foreign Affairs (DFA) na itaas ang Alert Level 4 sa Ukraine, na nagbibigay-daan sa mandatoryong paglikas ng mga Pilipinong naninirahan sa bansang nasalanta ng digmaan.

Sa ngayon ay tinulungan ng DFA ang humigit-kumulang 382 na mga Pilipino upang makaalis sa Ukraine mula nang salakayin ng Russia.

Humigit-kumulang 330 sa 382 Pilipino ang nakauwi na sa Pilipinas, habang 52 iba pa ang nasa ligtas na kanlungan sa ibang mga bansa sa Silangang Europa.