Kinuwelyuhan ni Christian “Xian” Gaza ang mga alegasyon ng fans ni Sandro Marcos na nagsabing ang tinatamasang kayamanan ay bunga umano ng kanyang pang-i-scam.
Sa isang Facebook post gabi ng Martes, Marso 22, pinalagan ng tinaguriang “Pambansang Marites na Lalaki” ang ilang Tiktok video umano na nagsasabing “galing lamang sa pang-i-scam” ang tinatamasang kayamanan.
“Ito ang tanong ko sa inyo ngayon, saan ba galing ang kayamanan ni Sandro? 'Di ba anak siya ni Sen. Bongbong Marcos? Na anak ni Imelda Marcos at Ferdinand Marcos Sr.?” maanghang na pagtira ni Xian.
Dagdag niya, “In short, yung idol niyo na kamukha ni Jake Zyrus ay nakahiga sa multibilyones na kayamanang minana niya mula pa sa kanyang lolo na ninakaw nila mula sa mga Pilipino.”
Kontrobersyal ang pamilya Marcos kaugnay ng umano’y nalimas nitong ill-gotten wealth na aabot sa US$5-10 bilyon mula 1965 hanggang 1986.
Sa tala ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), mula 1986 hanggang December 2015, tinatayang nasa P170 bilyon na ang narekober ng pamahalaan mula nang simulang bawiin sa mga Marcos ang mga nasabing nakaw na yaman.
Taong 2018 naman nang ma-convict ng Malabon court dahil sa investment scam ang kilalang internet personality.
Nauna nang naging bukas si Xian sa kinasangkutang isyu nang magpaskil ito ng throwback noong Pebrero sa umano’y naging encounter niya sa pamilya Gonzaga sa Singapore noong 2020.
“Nahusgahan yung buong pagkatao ko na para bang ang sama-sama ko. Ang tanging kasalanan ko lang naman sa batas ay nag-issue ako ng 11 checks na walang pondo. Na-bankrupt lang talaga. Hindi ko naman sinadya o ginusto,” ani Xian sa isang pahayag noong Pebrero.
Si Sandro ang panganay na anak ni Presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.