Tila hindi nagustuhan ni Senador Koko Pimentel ang pag-endorso ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan o PDP-Laban na pinangungunahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi kay Bongbong Marcos, aniya ipinakikita lamang ng mga ito na "total strangers" sila sa partido.

Sa kanyang Facebook post nitong Martes, Marso 22, sinabi niyang ipinakikita ng mga ito na "total strangers" sila sa PDP-Laban. 

"With this latest action from Sec Cusi and his cohorts, they have manifested that they are total strangers to PDP LABAN," ani Pimentel.

Sinabi rin ng senador na hindi umano alam ng mga ito na itinatag ang PDP-Laban upang tutulan ang diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr., ama ni Bongbong Marcos.

Itinatag ang PDP-Laban noong 1982 ng mga yumaong sina dating Senate President Aquilino "Nene" Pimentel Jr., ama ni Koko Pimentel, at dating Senador Benigno Aquino Jr. upang labanan ang diktadurya ni Marcos Sr.

"Time for Comelec to dismiss the petition of these usurpers!" ayon kay Pimentel.

Inihalintulad ni Pimentel ang pagsuporta ng PDP-Laban kay Marcos Jr. sa Germany kung saan naging diktador si Adolf Hitler.

"In Germany for example, a political party formed to oppose Adolf Hitler will definitely not support an Adolf Hitler Jr. Logic lang yan. Consistent with the PDP LABAN history, struggles, deaths, and party constitution!" dagdag pa niya.

Nahahati sa dalawang faction ang PDP-Laban. Ang isa ay pinangungunahan nina Cusi at Pangulong Duterte at ang isa naman ay pinangungunahan nina Pimentel at presidential aspirant Senador Manny Pacquiao.