Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing ₱500 ang buwang ayuda ng mahihirap mula sa dating ₱200 sa gitna ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
"Gawin na natin na ₱500. Bahala na ang susunod na presidente, saan siya magnakaw. Basta ibigay natin ₱500," pahayag ng Pangulo matapos pirmahan ang tatlong panukalang batas upang maging batas sa Malacañang nitong Lunes.
Ginawa ni Duterte ang hakbang matapos batikusin ang plano ng gobyerno na mamigay ng ayudang ₱200 kada buwan para sa mahihirap na pamilya.
"I hope this will go a long way to help. Huwag sayangin sa e-sabong," pabiro ng pahayag ni Duterte.
Aniya, sinabihan nito si Finance Secretary Carlos Dominguez na maghanap ng pondo upang taasan ang ibibigay na ayuda.
"I'd like to announce, sabi ko kay Sonny, on the ground, iyong feedback sa ayuda niya na ₱200. Sabi ko sa kanya, it is too small sa isang buwan, hanap ka [ng] pera. Masyadong mababa 'yan," dagdag pa ni Duterte.