Iniulat ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na mahigit na sa 14,000 paaralan sa buong bansa ang handa nang magdaos ng limitadong face-to-face classes sa gitna nang patuloy pa ring banta ng COVID-19 pandemic.
Sa panayam sa telebisyon nitong Martes, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma na, “As of last week, mahigit 14,000 na 'yung ating mga schools na maituturing na natin na puwede nang magsimula batay doon sa kanilang assessment.”
Nabatid na ang Pilipinas ay mayroong 47,000 public schools at 12,000 private schools.
Sinabi ni Garma na patuloy pa ring nagdagdag ang DepEd ng mga paaralan na maaaring magdaos ng in-person classes.
Bago naman aniya tuluyang magbukas ng face-to-face classes, kailangan pa rin ng mga paaralan na makakuha ng pahintulot mula sa local governments.
Maaari pa rin aniyang piliin ng magulang ang distant learning para sa kanilang mga anak.
Dagdag pa ni Garma, bagamat required ang COVID-19 vaccination sa mga guro at kawani na lalahok sa face-to-face classes, hindi naman kailangang bakunado ang mga mag-aaral na makikiisa dito.
Sa ngayon aniya, nasa 90% na ng mga guro ang bakunado na laban sa COVID-19.