Dahil sa malawak na karanasan sa paglilingkod sa bayan at bilang magsasaka, iginiit ni Senator, vice presidential aspirant Francisco "Kiko" Pangilinan na siya ang pinaka-kuwalipikadong maihalalna maging bise presidente ng Pilipinas.

"Malawak ang ating karanasan bilang senador, bilang magsasaka, kalihim (Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization), kahit pa sa pagiging presidente," pangungumbinsi ni Pangilinan nang sumalang nitong Linggo ng gabi sa unang bugso ng debate para sa mga vice presidential aspirants na binuo ng Commission on Elections na may temang PiliPinas Debates: The Turning Point.

Tinutukoy nito ang sarili dahil sa pagkakaroon ng bukid sa Alfonso, Cavite kung saan ito nagtatanim ng mga gulay at ang panahon ng pagtatrabaho nito bilang Cabinet secretary sa administrasyon ng namayapang si Pangulong Benigno "Noynoy"Aquino III.

"Kaya sa araw ng halalan, pagkatapos ng mahabang kampanya, sa tulong ng ating mga kababayan, nawa'y the last man standing is a farmer," dagdag nito.

Nauna nang inihayag ni Pangilinan na nais niyang maitalaga sa isang ahensya ng gobyernong may kinalaman sa pagsasaka sakaling manalo ang running mate nito na si Vice Presidente Leni Robredo sa May 9, 2022 elections upang magamit ang kakayahan sa nasabing sektor.