Halo-halo ang naging emosyon ng mga netizen sa pahayag ng komedyante, dating 'Miss Q&A' contestant, at Pinoy Big Brother (PBB): Kumunity Season 10 housemate na si Brenda Mage, na pansamantala muna siyang magpapaalam sa showbiz, at babalik muna sa probinsya upang asikasuhin ang ilang mga personal na detalye sa kaniyang buhay.
Ayon sa kaniyang mahabang Facebook post nitong Marso 20, matapos daw ang 15 taong pananatili sa Maynila at pursigihing maging celebrity, ay babalik na raw muna siya sa probinsya.
Pagbabahagi pa niya, sa ilang mga raket niya sa showbiz ay nakapag-ipon na rin naman siya para asikasuhin niya ang kaniyang kinabukasan. Isa pa, kumikita rin ang kaniyang YouTube channel, na napag-usapan nila ng mga kapwa housemate na sina Madam Inutz at Eian Rances habang nasa loob sila ng Bahay ni Kuya.
Hindi naman daw niya tatalikuran ang showbiz pero matatagalan muna ang kaniyang hiatus.
"GOODBYE SHOWBIZ: Bye for now Manila … after 15 years of staying here since 2007, I was only 17 years old, starting to pursue my dreams to become a celebrity haha… makakauwi na ko ng probinsya, maybe not for good pero matatagalan talaga… nakapag-ipon na rin kahit papaano, time to focus for my family and future naks hahaha…," aniya.
Masaya umano si Brenda na nagawa niya ang mga pangarap niya nang mapalad siyang makapasok sa showbiz industry, gaya ng teleserye, pelikula, makapag-guest sa 'ASAP', maitampok ang buhay sa 'Maalaala Mo Kaya' o MMK, maging contestant sa Miss Q&A sa 'It's Showtime', maging housemate sa PBB, makapanayam nina Charo Santos at Boy Abunda, makasalamuha si Toni Gonzaga, at magkaroon ng celebrity friends.
Pero may isang pangarap daw siya na hindi natupad. Iyon ay ang makaharap si Queen of All Media Kris Aquino, na ngayon ay nagpapagamot dahil sa kaniyang karamdaman.
"Yung pangarap ko na mga friends ko would have their own happy life too, may bahay na rin sila at yung iba, narenovate na rin nila AKO NAMAN at di mangyayari 'yan kung hindi dahil sa tulong ng mga viewers namin. Goodbye city life… back to province life."
Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Brenda sa Diyos na siyang nagbigay umano ng katuparan sa kaniyang mga pangarap. Aniya, "NOTHING IS IMPOSSIBLE IF YOU BELIEVE IN YOURSELF AND TRUST GOD."
"This is Brenda Mage sayin, 'Wag mong hayaan ang iyong pangarap ay manatiling pangarap,' back to Bryan Roy Tagarao (tunay niyang pangalan)."
"Bitbit ko dati karton at kulambo… ngayon naka-Dior (fake din naman ) na pero anjan pa rin ang kulambo haha at naka-airplane na ko, dati barko hehe."
Ang huling teleseryeng kinabilangan ni Brenda ay ang 'Ang Sa Iyo Ay Akin' noong 2020, na pinagbidahan nina Jodi Sta. Maria, Sam Milby, at Iza Calzado.