Kilig ang hatid sa netizens nang muling umikot sa social media ang video clips nina 'Star for All Seasons' Vilma Santos at 'The Superstar' Nora Aunor bilang sina Sylvia at Isabel sa pelikulang 'T-bird at Ako.'
Lalong nagpatibok ng puso sa netizens ang palitan ng linya nila Sylvia at Isabel.
"Malalim ka. Mahirap kang basahin," ani Isabel.
"Ano ba talaga ako sayo?" Tanong ni Sylvia.
"Ewan ko. Sa kaliwang kamay mo mabait ka, sa kanang kamay daig mo pa ang selosong asawa. Ano ka nga ba? Ano ba talagang gusto mo?" Pagpapaliwanag ni Isabel.
"Ikaw," matipid na sagot ni Sylvia.
Tampok sa pelikula ang isa sa mga pinakaunang paglalarawan ng mga tema ng LGBT sa sinehan sa Pilipinas sa panahon ng mas mabigat na censorship at mas konserbatibong mga manonood.
Ang screenplay ay isinulat ng aktibistang si Portia Ilagan, na lantaran namang nagpahayag na parte siya ng LGBT Community.
Ang salitang t-bird ay isang Filipino slang term para sa isang butch lesbian — kadalasang terminong ginagamit upang ilarawan ang isang tomboy na nagpapakita ng pagkakakilanlang panlalaki.
Matatandaang na noong 2015, 33 taon pagkatapos ng orihinal na pagpapalabas ng pelikula, ang T-Bird at Ako ay digitally na na-restore at muling na-master bilang isa sa 75 na pelikulang na-restore ng ABS-CBN Film Archives, sa pakikipagtulungan ng Central Digital Labs.
Sa taong ring ito, umamin si Nora Aunor na nagkaroon siya ng "crush" o paghanga kay Vilma Santos.
Sa interbyu ni Boy Abunda sa "The Buzz," hayagang ikinuwento ni Aunor kung paano niya 'niligawan' si Santos.
"Bumili ako ng rosas. Seven o'clock, nandon ako sa lobby ng Hilton, wala pa si mare (Vilma Santos). Dumating alas kwatro. Pero seven hanggang four o'clock naghintay ako talaga. Para lang maibigay ang rosas," pagbabahagi ni Aunor.
Sinegundahan naman ni Kris Aquino ang sinabi ni Aunor at sinabi na nai-kwento ito ni Santos sa kanya na binigyan siya ng bulaklak at sinabing "kursunada" siya ni Aunor.
Ngunit nilinaw naman ni Aunor na "paghanga" lamang ito kay Santos lalo na't bata pa lamang ay fan na siya nito.