Pansamantalang isasarado ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) management ang entry at exit points ng Building A ng Shaw Boulevard Station upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng kanilang improvement activities.
Sa paabiso ng MRT-3 nitong Linggo, nabatid na ang pagsasara ay magsisimula sa Marso 21, Lunes, at magtatagal hanggang sa Marso 22, Martes.
Apektado umano ng naturang improvement activities ang entry at exit points sa bahagi ng EDSA Shangri-La at Starmall.
Ayon kay Engr. Michael Capati, Director for Operations ng MRT-3, layunin ng naturang improvement activities na mapaghusay pa ang pasilidad nila para makapagbigay ng mas mahusay na serbisyo at comfort sa mga commuters.
Pinayuhan rin ng MRT-3 management ang mga commuters na gamitin muna ang entry at exit points ng Building B na matatagpuan sa bahagi ng Greenfield Pavilion at Parklea Center, na magiging accessible simula alas-4:00 ng madaling araw.
“Shaw Boulevard Station-Building A (EDSA Shangri-La and Starmall entry/exit points” will be temporarily closed to public from March 21 (Monday) to March 22 (Tuesday).Passengers are directed to use Building B (Greenfield and Parklea entry/exit points) to enter/exit the station premises,” bahagi pa ng MRT-3 advisory.
Ang MRT-3 ay bumabaybay sa kahabaan ng EDSA mula Taft Avenue, Pasay City hanggang sa North Avenue, Quezon City.