Suportado ng isang grupo ng solo parents ang kandidatura ni retired police general Guillermo Lorenzo Eleazar sa pagka-senador.

Sa isang pahayag, sinabi ng National Council for Solo Parents, Inc. (NCSP) na ang pag-endorso kay Eleazar ay inaprubahan ng board of directors nito, na isinasaalang-alang ang malinaw na pahayag ng retired general na isama ang kanilang kapakanan sa kanyang legislative agenda. 

Nanagawan din ang grupo sa lahat ng solo parents sa buong bansa na suportahan si Eleazar.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Eleazar sa NSCP para sa suporta nito habang ipinangako niyang isasama sa kanyang prayoridad ang kapakanan ng solo parents, lalo na sa pagtulong sa kanila na makayanan ang mga hamon ng pandemya.

“Nagpapasalamat po ako sa suporta na ibinigay sa akin ng National Council for Solo Parents. Saludo ako sa mga magulang na mag-isang itinataguyod ang kanilang mga anak kahit pa ang ibig sabihin nito ay pareho nilang ginagampanan ang mga tungkulin at responsibilidad ng isang ama’t ina. Lubos po ang aking respeto at paghanga sa inyo," ani Eleazar.

Sinabi rin ni Eleazar na kinikilala niya ang sakripisyo ng mga solo parents sa pagbabalanse ng kanilang oras sa pag-aalaga sa kanilang mga anak at pagbibigay ng pagkain sa mesa.