Muling iginiit ni Vice Presidential candidate Dr. Willie Ong ang pangangailangan para sa paglikha ng mga infectious disease hospital sa bansa sa gitna ng Covid-19 pandemic.
Sa muling pagdami ng mga kaso ng Covid-19 sa mga bansa sa Asya, binanggit ni Ong ang kahalagahan ng pagtatayo ng higit pang mga ospital, pagkuha ng mga gamot, libreng pagsusuri, at suporta para sa mga healthcare worker at mental health.
“Sa Asya ngayon nag-susurge ulit ang Covid… May malaking posibilidad aabot parin yan sa Pilipinas,” ani Ong sa Commission on Elections’ (Comelec) PiliPinas Debate 2022 noong Linggo, Marso 20.
“Marami tayong pwedeng gawin. Dapat magtayo tayo ng infectious disease hospital. Dito natin ilalagay ang mga pandemic cases. Hindi pwede sa PGH lang kasi makakakawawa ‘yung ibang pasyente,” ani Ong na sunod na binanggit ang pag-unlad ng sektor ng kalusugan na ginawa sa Lungsod ng Maynila.
Tinukoy ng cardiologist na ang mga ospital na nakatuon sa nakakahawang sakit ay magpapahintulot sa mga umiiral na ospital na pagsilbihan ang mga pasyente na may iba pang malalaking karamdaman. Bukod sa COVID-19, iginiit ni Ong na dapat ding bilisan ng bansa ang paggamot sa iba pang sakit.
Napansin din niya na masyadong mataas ang presyo ng mga gamot sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa.
“Isa pang problema ‘yung napakamahal ng gamot natin sa Pilipinas, may mga gamot tayo ten times more expensive kumpara sa ibang bansa. Kung hindi natin maipabababa ‘yung presyo, mahihirapan tayo,” pagpupunto niya.
Paulit-ulit na itinutulak ni Ong ang gobyerno na lumikha ng isang infectious disease hospital, ospital ng mga bata, at Cancer Center of the Philippines.
Jaleen Ramos