Pinalagan ng opisyal ng Robredo People’s Council (RPC) Butuan City ang ngayo’y burado nang Facebook post ng kontrobersyal na direktor at manunulat na si Darryl Yap kung saan ibinahagi nito ang screenshot ng isang Tweet kaugnay ng isang campaign rally.
Noong Biyernes, Marso 20, ipinaskil ng direktor ang isang screenshot ng Twitter post na tila hindi kumbinsido sa isang larawan ng campaign rally ng tandem nina Presidential candidate at Vice Presidential aspirant Leni Robredo at Vice Presidential candidate Sen. Kiko Pangilinan sa Butuan City noong Marso 9.
Ayon sa isang Twitter user at nagpakilalang taga-Butuan, hindi umano kapani-paniwala ang isang bahagi ng parke na puno rin ng tao dahil sa katunayan umano, ay isang fountain area ito.
Tila ginatungan naman ito ng direktor at ibinahagi pa nga sa isang Facebook post.
“Nangako na ‘ko sa sarili kong ‘di na ‘ko maghahanap ng swimming pool. Pero talagang tao lang ako,” mababasa sa caption ni Darryl sa naturang screenshot ng Tweet.
Dahil umano sa pagpapakalat ng “fake news,” pinalagan ng RPC Butuan ang Facebook post ng direktor at pinabulaanan ang nasabing tweet.
“Hi, Darryl Yap. It's been more than a week since the very successful Butuan People's Rally and yet here you are, peddling FAKE NEWS,” saad ni RPC Butuan Dianna Demmel.
Kasama ang mga larawan at bidyo bilang resibo, pinatunayan ni Demmel ang paglalagay nila ng wooden planks sa bahagi ng fountain sa Guingona Park dahilan para magawang matakpan ito at magsilbing platform para sa mga dumalo.
Aniya pa, dalawang pangunahing dahilan ang nag-udyok sa kanila na takpan ang naturang fountain area at ito ay para siguruhin ang kaligtasan ng mga dadalo at magbigay pa ng dagdag na espasyo malapit sa entablado para sa kanila.
Burado na ang naturang post ni Darryl ngunit naglabas ito ng reaksyon kaugnay ng isyu sa isang pang hiwalay na Facebook post.
Babala naman ni Demmel, “I am encouraging you to issue a correction and to apologize to the organizers of the event. Failure to do so will constrain us to seek appropriate remedies.”
Sa pag-uulat, wala pang sagot o pagwawastong ginawa ang direktor kasunod ng banta ng RPC official.
Matatandaang naiulat na umabot sa 10,000 Kakampinks ang sumalubong sa Leni-Kiko tandem sa Butuan City.