May 'hugot-tula' ang mahusay na aktor na si Romnick Sarmenta para sa nalalapit at kontrobersyal na halalan 2022 kung saan muling pipili ang mga botanteng taumbayan ng mga karapat-dapat na lider ng bansa, sa susunod na anim na taon, matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinamalas ni Romnick ang husay niya sa pagbuo ng tula, na makikita sa kaniyang Instagram post nitong Marso 19, 2022.

Screengrab mula sa IG/Romnick Sarmenta

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Narito ang kaniyang buong tula:

"Matagal na akong botante.

Madalang akong mangampanya.

Magmula ng bumoto ako, di mo ako makikita sa entablado ng kahit na sinong pulitiko."

"Hindi ko ugaling manghikayat, o mangumbinse ng tao sa sinong dapat piliin, o bakit sila dapat ang iboto."

"Iisa lang ang bilang ng balota ko. At ako lamang ang may responsibilidad dito."

"May mga pagkakataong hindi nanalo ang pinili ko.

Nagparaya ako, naghintay at nag abang sa pangako ng panalo.

Umasa, sumuporta, nagpatuloy sa pagiging Pilipino.

Hindi naman yun nababago ng sino mang nakapwesto."

"Paano ba pumili ng kandidato?

Gusto nyo ba ng barumbado, o kaya eh pilosopo?

Maganda nga ba ang pagpili ng taong nasa pamilya ng mga pulitiko?

Mainam ba ang tumatakbo kapag puro pagpuna sa kalaban ang kayang atupagin nito?

O nakapagyayabang ng nagawang serbisyo, na sa simula at dulo, ay bayad naman ng buwis mo… at natural na dapat nilang gawin bilang pagtupad sa mandato."

"Huwag na tayong magsugal at makipagsapalaran, mahirap yung para tayong niloloko.

Hindi lang para sa isang araw ito.

Ilang taon din tayong papasailalim ng kung sino mang mananalo."

"Sa araw ng halalan, sa gitna ng gulo, sa harap ng tukso…

Bago ka magpadala sa ayuda at pangako, alalahanin mo… ang mga anak mong wala pang boto, ang mga taong hindi makaboto, at lahat tayong mga Pilipino."

"Hindi ito para sa iyo -

Kinabukasan at katiwasayan din nila ang nakasalalay dito.

Sa simpleng papel na kailangan pangalagaan.

Sa isang boto na magbubuhat ng isang tinig at nakasaad ang iyong pangalan.

Sa gitna ng ingay ng pangako at pasiklaban, pumili ka ng makakatugon sa kanilang kinabukasan."

"Inihayag ko ang pagpili kay Leni at Kiko.

At yun ang mailalagay sa aking balota.

Di ko kailangan ng litrato para magpatunay. Sapat nang alam ko na ginawa ko ang pakay."

"Pinili kong tawagin sila sa unang pangalan, hindi dahil sa lalim ng pagkakakilala.

Kundi sa lalim ng inilalagay na simpleng pag asa.

Hindi nila ako nakaharap kahit minsan.

Ngunit itataya ko ang pangarap na kinabukasan."

"Sa araw ng halalan, magdasal tayo. Hindi lang para sa katahimikan at katiwasayan.

Kundi sa pangangalaga at gabay ng Panginoon, para sa mga mahal natin sa buhay, sa sarili, at sa bayan."

Si Romnick ay isang certified Kakampink o tagasuporta ng Leni-Kiko tandem.

"Iboboto ko si Leni Robredo dahil sa Gobyernong Tapat, may kapayapaan at seguridad para sa lahat," ayon sa kaniyang art card na makikita sa opisyal na Facebook page ni VP Leni Robredo.

May be an image of 1 person and text
Larawan mula sa FB/Romnick Sarmenta