Sinabi ni Presidential aspirant Vice President Leni Robredo na ipagpapatuloy niya ang Build, Build, Build infrastructure program ng administrasyong Duterte ngunit binigyan-diin niya ang public-private partnerships (PPPs) sa halip na mga pautang.

Vice President Leni Robredo (Screenshot from the Commission on Elections via ANC/Facebook)

Ginawa ni Robredo ang pahayag sa PiliPinas Debates ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado ng gabi, Marso 19.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

“Itutuloy po natin yung Build, Build, Build pero magbibigay po tayo ng emphasis on PPP instead of ODA (official development assistance) para hindi na utang," ani Robredo.

“Pero for PPP to succeed, kailangan pong isiguro natin na inayos natin ang pamahalaan para mas maraming investors ang tumiwala na mag-invest sa atin," dagdag pa niya.

Sinabi rin ng Bise Presidente na uunahin ng kanyang administrasyon ang apat na lugar, Sinabi niya na titiyakin niya na ang infrastructure program ay magpapasigla sa pag-unlad ng kanayunan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga farm-to-market roads at post-harvest facility upang matulungan ang mga magsasaka at upang pasiglahin ang maritime industry.

“Kinakailangan ito makatulong para lumago naman yung mga kanayunan," aniya.

Tinanong ni Senador Ping Lacson si Robredo kung ang farm-to-market roads ay maituturing na big-ticket projects sa ilalim ng Build, Build, Build program na sinagot ng Bise Presidente na ang lahat ng mga infrastructure projects ay isasailalim sa isang programa.

Samantala, idinagdag ni Robredo na tutugunan niya ang mga problema sa mass transportation, binanggit niya na 12 porsiyento sa Metro Manila lamang ang may sariling sasakyan.

“‘Pag tinignan natin yung budget natin, talagang kulang yung binibigay natin para sa mass transport, bibigyan natin ‘yan ng halaga," anang bise presidente.

Binigyang-diin din ni Robredo ang kahalagahan ng water resource management dahil ang Pilipinas ay nauubusan ng maiinom na tubig.

“Ipa-prioritize natin ito dahil ayaw nating dumating ang panahon na wala na tayong maiinom na tubig," ani Robredo.

Panghuli, sinabi ni Robredo na titiyakin ng kanyang administrasyon ang climate-resilient infrastructure tulad ng mga pabahay sa mga danger zone at mas matibay na sea walls para protektahan ang mga taong naninirahan sa mga lugar na iyon.

Argyll Cyrus Geducos