Sa kabila ng pagpataw ng pinakamababang paghihigpit sa Covid-19 Alert Level 1, sinabi ni vice-presidential aspirant Senator Francis “Kiko” Pangilinan na “malupit” kung pipilitin ang pagpapatupad ng face-to-face work scheme, lalo na sa gitna ng pagtaas ng gastos ng pangunahing mga produkto at produktong petrolyo.
“Malupit kung pipilitin ng gobyerno ang pagbabalik ng lahat ng empleyado sa opisina, gaya ng mga BPO,” ani Pangilinan sa isang pahayag nitong Sabado, Marso 19.
Bukod sa Covid-19 pandemic, sinabi ni Pangilinan na ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pagtaas ng langis, traffic jams, problema sa pampublikong transportasyon, gayundin ang kawalan ng karagdagang sahod ay kasalukuyan pa ring suliranin at nakakaapekto sa mga manggagawa.
“Ang lahat ng ito ang kakaharapin ng mga manggagawang Pilipino kung pipiliting bumalik sa opisina. Sa kabila ng kahirapang ito, ano ba ang maitutulong ng gobyerno?” aniya.
“Saan makakarating ang P200 kada buwan na ayuda na hindi naman lahat makakatanggap?” dagdag ng senador.
Nauna nang inaprubahan ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon na magbigay ng buwanang tulong na P200 sa mahihirap na kabahayan na kabilang sa bottom half sa gitna ng pagtaas ng halaga ng gasolina.
Samantala, binanggit ni Pangilinan na dapat ilipat ng gobyerno ang tuon nito sa pagkamit ng flexible work setup na mapapakinabangan ng mga manggagawa at employer, at bilang bahagi ng mas magandang new normal na gustong makamit ng bansa
“No one size fits all. Certain types of work are suited to the office. But other types have proven as effective and economical even when done from home or remotely,” ani Pangilinan.
“The days ahead should not be a return to the status quo; it is a new and better way forward where our workers are more empowered to shape their working environment, more aware of their well-being and regarded as the most vital resource of our nation,” dagdag niya.
Alexandria Dennise San Juan