Tila panibagong baraha na naman ang inilabas ng isang volunteer group at tinira nito sa isang satirical video ang isang political camp para sa umano’y trolls nitong 24/7 ang pagkayod.
Bumida ang sikat na online personality na si Pipay sa panibagong satirical content ng volunteer group na LGBTQIA+ for Leni. Dito nag-asta itong coordinators ng trolls na sumasagot sa ilang frequently asked questions (FAQs).
“Ganon na nga lang ang isagot niyo. Wala lang naman ‘yah eh. ‘Pagkakaisa o kaya ‘Respect my opinion.’ Kahit yung may kinoment na may nalason sa party. Okay bye,” pagbubukas ng video kung saan makikitang sinagot ni Pipay ang isang concern ng troll sa pamamagitan ng tawag sa telepono.
Tinawag na Team United FAQ U ang content na layong ipakita ang umano’y galawanng troll armies na kadalasa’y makinarya ng ilang political camps sa Pilipinas.
“Kung ang midya ang watchdog, kami ang attack dog,” sabi ng karakter ni Pipay.
Sunod na muling sinagot ni Pipay ang isang tawag.
“Palaging tandaan, anumang problemang haharapin, ang pinakaunang hakbang ay pagkakaisa,” sagot nito sa tumawag na troll.
Kilalang plataporma ng UniTeam nina Presidential aspirant Bongbong Marcos Jr. at Vice Presidential candidate at Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang pagkakaisa.
“Kasi nga walang plataporma. Gag*ng ‘to, respect my opinion na lang. God bless!” dagdag na hirit ng karakter.
Nagpatuloy ang ilang tawag. Nawalan pa ng pasensya ang karakter ni Pipay sa isang troll.
“Dito kasi sa amin, ‘pag hindi ka makasagot, murahin mo na lang. Hindi uubra yung respect mo yung opinion kasi magmumukha kaming tanga,” saad ng karakter ni Pipay.
Sunod na na-stress ito sa umano’y pagkakaiba ng script ng mga troll sa ilang isyu.
“Actually, ito yung pinakatanga sa lahat. Yung dumepensa kami agad ta’s iba ang sinagot nila. Kakaibang mental gymnastics. Kain ta* may kasamang bubog,” anang karakter ni Pipay.
“Unity nga ang sagot. Eh ano naman kung wala sa debate? May 1k ka naman ‘di ba? Gagang ‘to,” sunod na sagot pa ni Pipay sa isa pang tawag.
“Nakakapagod na sa totoo lang. Kasi nga, paulit-ulit lang ang script sa iba’t ibang problema. Pati plataporma, iisa,” pagpapatuloy ng karakyer ni Pipay.
Kumambyo naman nito sa dulo at sinabing “trabaho lang” at “walang drama” ang kanyang pagiging troll leader kaya’t ang iboboto pa rin niya ay may “tapat na pamumuno.”
Sa pagwawakas ng video, isang troll pa ang nagtanong kaugnay ng kanilang ipinangakong gold.
“Anong gold? Wala kaming pinangakong gold no, gold-digger meron,” bulalas ni Pipay
Matatandaang nauuugnay sa pamilya Marcos ang kwento ukol sa “Tallano Gold” na nasa pangangalaga raw ng pamilya at handa umanong ilaan para sa buong Pilipinas.
Ilang beses na rin itinanggi ng magkapatid na Bongbong at Sen. Imee Marcos ang naturang kwento.