Walang naitalang bagong kaso ng COVID-19 ang lungsod ng Navotas habang nasa 10 local government units (LGUs) naman sa Metro Manila ang nakakapagtala na lang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na hindi pa umabot ng 10 kaso.
Sa Twitter post ni OCTA Fellow Dr. Guido David nitong Sabado, iniulat rin niya na umabot lamang sa 128 ang mga bagong kaso ng impeksiyon na naitala sa National Capital Region (NCR) noong Biyernes, Marso 18.
Ayon kay David, base sa datos na nakalap nila mula saDOH.gov.ph, natukoy na ang Navotas ang nag-iisang lungsod ng NCR na hindi nakapagtala ng bagong kaso ng sakit noong Biyernes.
Kabilang naman sa mga LGUs sa capital region na nakapagtala ng wala pang 10 bagong kaso ng COVID-19 ay ang Pateros at Mandaluyong na may tig-isang kaso lamang; Marikina at San Juan na may tig-dalawang kaso lamang; Las Piñas at Malabon na may tig-tatlong kaso lamang; Muntinlupa at Valenzuela na may tig-apa na kaso lamang at Pasig at Taguig na may tig-walong kaso lamang.
Samantala, ang Parañaque ay nakapagtala naman ng 10 bagong kaso ng sakit habang tig-11 ang mga bagong kaso ng impeksiyon na naitala sa Pasay, Makati at Caloocan.
Ang Quezon City naman ay mayroong 20 bagong kaso ng sakit habang 28 bagong kaso naman ang naitala sa lungsod ng Maynila.
Una nang sinabi ng OCTA na ang Metro Manila ay low risk na sa COVID-19 transmission.
Hanggang noong Marso 18 naman, ang bansa ay nakapagtala na ng kabuuang 3,673,201 COVID-19 cases.
Sa naturang bilang, 45,491 na lamang ang nananatili pang aktibong kaso.