Isang lalaki ang patay nang pagsasaksakin ng isang obrero na kanyang nakaargumento sa Tondo, Manila noong Biyernes, Marso 18.

Kinilala ang biktima na si Arnel Dadivas, 43, walang hanapbuhay at residente ng 228 Blk. 1 Gasangan, Baseco Compound, Brgy. 649, Port Area, Manila.

Samantala, arestado naman ang suspek na si Rolando Ortillo, 33, construction worker at residente ng Brgy. 101 Katuparan, Tondo, Manila.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section na isinapubliko nitong Sabado, nabatid na dakong alas-11:00 ng umaga nang maganap ang krimen sa Brgy. 101, Katuparan, Tondo.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Sa salaysay ng testigong si Frenciss Ruby, dating kinakasama ng suspek, bago ang krimen ay patungo umano siya sa isang common comfort room sa naturang lugar, nang makita si Ortillo na kasama ang isang alyas John Dapulag.

Sa hindi pa batid na kadahilanan ay bigla na lang umanong ibinato ng suspek ang isang speaker sa kanyang harapan, ngunit hindi na lamang niya ito pinansin at sa halip ay itinuloy ang pagpasok sa palikuran.

Matapos ang ilang minuto, narinig umano ng testigo ang suspek at ang biktima na nagtatalo na sa labas.

Lumabas umano siya ng palikuran upang alamin ang nangyayari at dito na niya nakita ang suspek na armado ng patalim at pinagsasaksak ang biktima.

Nang bumagsak ang duguang biktima ay mabilis na umanong tumakas ang suspek habang isinugod naman ang biktima sa Gat Bonifacio Hospital para malunasan ngunit binawian din ito ng buhay.

Naaresto naman ng mga otoridad ang suspek sa isang follow-up operation sa Katuparan St., sa Tondo.

Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong murder sa piskalya.