Inihahanda na ang Philippine National Police (PNP) ang ebidensya para sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa aktor na si Kit Thompson na inaresto nitong Biyernes dahil sa umano'y pambubugbog at pagkulong sa kanyang kasintahan na si Ana Jalandoni sa Tagaytay City, Cavite.
Sa pahayag ni PNP-Public Affairs chief Brig. Gen. Roderick Balba, hindi sila pumapayag na mamayani ang karahasan laban sa kababaihan, lalo pa't ipinagdiriwang ang National Women's Month ngayong Marso.
Maaari aniyang kasuhan si Thompson ng paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence against Women and their Children Law) dahil sa insidente.
Binabantayan pa rin aniya nila ang kondisyon ng biktima na nakaratay sa isang ospital nang ma-rescue sa isang tinutuluyan nilang hotel matapos mag-emergency call sa mga pulis dahil sa matinding bugbog sa katawan.
Sa pahayag ng biktima, nag-away sila ni Thompson hanggang sa humantong sa pambubugbog sa kanya.
Tumanggi namang magkomento ang Cornerstone Entertainment na humahawak sa career ni Thompson hangga't wala pa silang nakikitang formal report ng insidente.