Walang sama ng loob si Senador Ronald ”Bato” dela Rosa kay Pangulong Duterte kasunod ng pagtanggi nitong sundin ang resolusyon ng Senado na nilagdaan niya at ng 23 iba pang mga senador na layong suspindihin ang multi-billion-peso “e-sabong” operations.
Sa isang panayam sa radyo ng DWIZ, sinabi ni Dela Rosa, chairman ng Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee, na may sariling dahilan ang Pangulo kung bakit hindi niya sinuspinde ang e-sabong.
‘’Hindi masama ang loob ko,” aniya. “But we can’t do anything except to plead for the temporary suspension of the e-sabong operations,” dagdag nito.
Ang pansamantalang suspensiyon ay magkakabisa kapag natapos na ng komite ang pagsisiyasat sa nawawalang 34 na sabungero
Sinabi ni Dela Rosa na bihirang pagkakataon ito kung saan nakiisa ang mga senador mula sa majority at minority bloc sa paghiling sa Pangulo na mag-utos sa pagsuspinde ng e-sabong operations.
Sinabi ng kaalyado sa pulitika ni Duterte na naiintindihan niya ang posisyon ng Pangulo kung saan ang gobyerno ay magkaroon ng mga kita mula sa kinita ng mga e-sabong licensee para tustusan ang mga programang tinatamaan ng kasalukuyang Covid-19 pandemic at mataas na presyo ng mga produktong langis na bunsod ng patuloy na hidwaan ng Russia at Ukraine.
‘’[Pero] may masamang loob ko sa pangyayari caused by the highly addictive e-sabong form of gambling that led to the abduction of the 34 ‘sabungeros,” ani Dela Rosa.
‘’We stand by our resolution,’’ dagdag niya
Sinuportahan ni Dela Rosa ang mungkahi ni presidential candidate Senator Panfilo Lacson na ang 24/7 operation ng e-sabong ay dapat limitahan lamang sa 12 oras sa isang araw.
‘’If it can’t be stopped, the frequency should be minimized to avoid addiction (of gamblers),’’ sabi ng senador.
Ang tinutukoy ng dating hepe ng Philippine National Police (PNP) ay ang isang ina na nagbebenta ng kanyang anak para mabayaran ang kanyang utang sa pagsusugal, mga pagpapakamatay ng mga manlalarong nabaon sa utang at mga pulis na gumagawa ng krimen.
Ipinagpatuloy ng komite ng Dela Rosa ang pagdinig nito sa Lunes ng umaga na may posibleng paghaharap sa pagitan ni Charlie ‘’Atong’’ Ang, kasama ang iba pang mga lisensyadong ‘e-sabong’ matapos sabihin nito na mayroong sabwatan ang kanyang mga karibal para ibagsak siya.
Inamin ni Ang na ang kanyang kumpanya, Lucky 8, ay kumikita ng P1 bilyon hanggang P2 bilyon bawat araw at kumikita siya ng humigit-kumulang P3 bilyon kada buwan mula sa kanyang mga operasyon sa pagsusugal.
Mario Casayuran