Naging personal si Vincent Patrick Ditan sa isang campaign speech kamakailan at ibinahagi ang buong pagyakap sa kanya ni Presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno bilang isang tunay na anak.
Sa isang panayam kamakailan kay 'King of Talk' Boy Abunda, naibahagi na isang taon lang si Patrick nang ligawan ni Isko ang kanyang inang si Dianna Lynn Ditan, na noo’y nakakalabuan ang unang partner.
“My papa came into my life at the age of one, not zero when I was born,” pagbabahagi ni Patrick sa isang talumpati kamakailan.
Hindi man naging isyu sa kanilang pamilya, naging tampulan ng tanong noon ang kanyang pagkakalayo sa ama at mga kapatid sa pisikal na aspeto.
“My schoolmates who were very young, innocent-minded and out of curiosity, tinatanong nila ako, ‘Why do you look different from you papa?'” pagpapatuloy ni Patrick.
Dito kalauna’y napagtanto ni Patrick ang sagot sa tanong. “Growing up, nakita ko slowly. Oo nga no, ‘Yung mga kapatid ko, mas maputi. Buhok nila diretso. Ilong [nila] matangos. Ako, kulot, pango at chocolate,’” saad pa ng binata.
“Alam niyo, never kong naramdaman na may iba sa akin. Dahil never pinaramdam ng mommy at papa ‘ko na iba ako sa mata nila,” dagdag na sabi ni Patrick na ikinaantig ng audience.
Pagpapatuloy pa niya, sinikap ng amang si Isko na hindi magkulang sa kanya bilang isang ama.
Isang kwento pa ang lalong ikinaantig ng mga tao sa audience.
“Naalala ko from my retreat, he had to write me a letter in secret so wala akong alam. Nalaman ko lang nung nag-overnight ako sa school and binasa ko yung letter,” pagsasalaysay ni Patrick.
“I was alone in the room, opened the letter, and the last thing he said, ‘Pat, I’ll always work hard to make sure to make you feel like I’m your real father,’” saad ng binata.
Makikita naman rin sa audience ang inang si Dynee na hindi napigilang maiyak sa salaysalay ni Patrick.
Si Patrick ang panganay sa limang anak nina Isko at Dynee.