Hindi napakinabangan ng isang lalaki ang kanyang natangay na pera matapos holdapin ang isang sangay ng isang courier company na LBC nang maaresto agad ng awtoridad sa Taguig City, nitong Marso 17.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director Brig. General Jimili Macaraeg ang suspek na si Michael Catalan, 42, at nakatira sa Barangay 110 Zone 5, Pasay City.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Naaresto ng mga tauhan ng Sub-Station 6 sa pangunguna ni Lt. Ariz Ramos ang papatakas na suspek matapos holdapin nito ang LBC Branch na matatagpuan sa No. 30 General Espino St., Brgy. Central Signal Village, Taguig City, dakong 1:20 ng hapon nitong Huwebes.

Kaagad na inireport ng empleyado ng LBC ang insidente sa awtoridad na mabilis namang rumesponde at naabutan ang suspek na nagtangkang tumakas subalit nasakote ito.

Nakumpiska kay Catalan ang isang improvised shotgun (sumpak), bala ng 12 gauge at ₱8,284 halaga ng cash remittance.

Sasampahan ang suspek ng kasong Robbery (Holdup) at Comprehensive Law of Firearm and Ammunitions in relation to Omnibus Election Code.

“I would like to remind the public to be vigilant and be observant of their environment. If you see any suspicious activities, call the police immediately so that these criminals will be put behind bars,” pahayag ni Macaraeg.