Hindi nagpatumpik-tumpik si Miss Trans Global 2020 Mela Franco Habijan at diretsa nitong binatikos ang “mayabang” na direktor at manunulat na si Darryl Yap.
Isang bukas na liham ang ipinaskil ng Transpinay para sa kontrobersyal na direktor at manunulat na ng “Kape Chronicles" nitong hapon ng Biyernes, Marso 18.
“Gusto ko talagang malaman kung saan nanggagaling ang yabang mo. Kasi truth be told (and I’m not sorry for bursting your bubble): HINDI KA MAGALING!” diretsang saad ni Mela.
Sunod na binatikos ng beauty queen titleholder ang mga “pilit” na gawa ni Darryl at ang potensyal nitong aniya’y hindi nag-evolve.
“Oo, may potential ka — tulad ng kahit sino. Pero nakakaawa na naging hanggang potential ka lang. Hindi ka nag-evolve as a creator. Hindi ka maayos kumatha — pilit ang metaphors, maraming loopholes ang storyline, at hanggang sensational lang naman ang content mo,” maanghang na pahayag ni Mela.
“I think nag-aapply sa’yo ang thought ng Chicago, “If you can’t be famous, be infamous!” Kaya siguro ang ingay mo. But reality bites, isa kang latang walang laman,” pagpapatuloy ng beauty queen.
Si Mela ay isang masugid na tagasuporta nina Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo at Vice Presidential candidate Sen. Kiko Pangilinan habang isang maingay na kritiko naman ng tandem ang direktor.
“I will never be afraid to express this truth: ang ugali mo ay repleksyon ng mga gawa mo — PANGIT!” pagbibigay-diin ni Mela.
Samantala, nakarating naman kay Darryl ang patutsada ni Mela sa kanya.
Reaksyon lang nito, “Sino ‘yan?”
Si Darryl ay kilalang tagasuporta ng UniTeam tandem nina Presidential candidate Bongbong Marcos Jr. at Vice Presidential aspirant at Davao City Mayor Inday Sara Duterte.